Dy

Parangal sa ECHO Philippines iminungkahi

Mar Rodriguez Feb 4, 2023
231 Views

IKINAGALAK ng isang Northern Luzon congressman na muli na naman naitala sa kasaysayan ng bansa ang ipinamalas na husay at talento ng mga Pilipino matapos nitong mapagtagumpayan ang prestisyosong “Mobile Legend Bang Bang World Championship” sa Indonesia.

Isinulong ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V ang House Resolution No. 709 upang bigyang parangal ang ECHO Philippines na nagwagi sa katatapos pa lamang na Mobile Legends Bang Bang M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia.

Sinabi ni Dy na ang ECHO Philippines, dating AURA Philippines, ang nag-uwi ng grand prize na nagkakahalaga ng UDS 300,000 matapos nitong gapiin ang iba pang mga bansa na lumahok sa nasabing Tournament.

Ayon kay Dy, inilampaso ng ECHO Philippine sa Bang Bang World Championship ang mga kalahok na bansa na tulad ng Indonesia, Malaysia, Singapore, Cambodia, Brazil Myanmar, Turkey at iba pang rehiyon sa Latin America, Middle East and North Africa.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na isa sa mga tinalo ng ECHO Philippines ay ang M3 World Champion na Blacklist Interntional na myroong “perfect na 4-0 sweep” sa pangunguna ng manlalaro nito na si Benedict “Bennyqt” Gonzales at two-time M-series winner na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno.

Dahil dito, nais ni Dy na mabigyan ng parangal at kilalanin ng Kamara de Representantes sa pamamagitan ng kaniyang resolusyon ang ipinakitang husay ng ECHO Philippines dahil muli na naman malalagay ang Pilipinas sa talaan ng kasaysayan.