EMI

Pasay Mayor: Mag face mask kung dadalaw sa puntod

Edd Reyes Oct 31, 2025
285 Views

PINAYUHAN ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ang mga dadagsa sa mga sementeryo para sa Undas na magsuot ng face mask upang makasigurong ligtas laban sa mga sakit.

Sinabi ni Mayor Emi ang payo nang bumisita sa Sarhento Mariano Cemetery sa Aurora Boulevard noong Huwebes.

Sinabi ng alkalde na kinakailangang pangangalagaan ang kalusugan ng bawat tao dahil patuloy ang pagdami ng tinatamaan ng Influenza-Like Illness (ILI) at ang paglaganap ng sipon, ubo, trangkaso at iba pang respiratory diseases.

“Wala po tayong outbreak ng anumang sakit dito sa Pasay pero kailangan pa rin pong maging maingat ang ating mga kababayan lalu’t inaasahan ang pagsisiksikan sa mga sementeryo ngayong Undas,” pahayag ni Mayor Emi.

Ipinaalala ng alkalde ang ipinatupad nila noong kasagsagan ng Covid-19 na tinatawag na E.M.I o Ensure to always wash your hands; Mask is a must; at Implement physical distancing sa mga dadalaw sa puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay.

May itinatayo na ring inter-agency outpost sa mga sementeryo na kinabibilangan ng Pasay City LGU, Pasay City Public Cemetery and Crematorium, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at iba pang national agencies at mga pribadong sektor na kanilang katuwang.