Discaya

Pasay RTC binasura apela ni Curlee Discaya

250 Views

IBINASURA ng Pasay Regional Trial Court Branch 298 sa pangunguna ni Judge Melvin Cydrick Bughao ang Writ of Habeas Corpus na inihain ng nakakulong na kontratista na si Pacifico “Curlee” Discaya laban sa Senado, na kinatawan sa kaso ng Senate Legal Counsel at Office of the Solicitor General.

Sa desisyon ng korte, idineklara nitong walang sapat na batayan ang naturang petisyon at kinatigan ang kapangyarihan ng Senado na gamitin ang contempt powers nito.

Pinagtibay ng pasya ng korte na kumilos ang Senado alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon nang ipag-utos ang pagkakakulong kay Discaya bunsod ng contempt citation.

Nauna nang naghain ng petisyon si Discaya upang humiling ng pagpapalaya, iginiit niyang may iregularidad umano sa kanyang patuloy na pagkakakulong.

Gayunman, ipinahayag ng Pasay RTC na may kapangyarihan at pagpapasya ang Senado na ikulong ang mga indibidwal na idineklarang nasa contempt habang isinasagawa ang imbestigasyon nito na may layuning makabuo ng batas.

Si Discaya ay idineklara umanong nasa contempt sa gitna ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga kontratang may kinalaman sa imprastruktura ng gobyerno. Batay sa opisyal na ulat ng komite, nag-ugat ang contempt citation sa salungat na pahayag ni Discaya ukol sa hindi pagdalo ng kanyang asawa, si Sarah Discaya, sa pagdinig ng komite.

Konektado si Curlee Discaya sa ilang kompanya ng konstruksyon na nabigyan ng kontrata para sa mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang na ang flood control. Sa isang pagdinig sa Senado, inamin niyang may alam siya ukol sa ilang hindi pangkaraniwang gawain sa industriya.