Tino

Patay sa bagyong Tino umakyat na sa 188, nawawala nasa 135

215 Views

UMAKYAT na sa 188 katao ang patay habang nasa 135 naman ang nawawala dahil sa pananalasa ng bagyong Tino sa Cebu.

Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD), sa Cebu pa lamang ay nasa 140 na ang patay, habang sa Negros Island Region ay umabot na sa 33.

Tig-isang patay naman ang naitala sa Antique, Iloilo, Guimaras, Leyte at Bohol; dalawa sa Southern Leyte; tatlo sa Capiz; anim sa Agusan Del Sur; siyam sa Negros Oriental; at 24 sa Negros Occidental.

Patuloy naman ang ginagawang search, rescue at retrieval operation ng kinauukulan para sa 135 pang nawawala.

Sa nasabing bilang ng nawawala, 56 ang mula sa Negros Island Region at 79 sa Region 7.

Samantala, sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 635,565 pamilya na katumbas ng 2,258,782 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.

Sa nasabing bilang, 397,634 pamilya ang inilikas.

Ayon sa NDRRMC, nasa 9,585 bahay ang napinsala, kung saan 9,321 sa mga ito ang partially damaged at 264 ang tuluyang nawasak. Umabot na rin sa P10,615,193 ang pinsala sa agrikultura at P6,330,000 ang pinsala sa imprastraktura.

Nanatili naman sa 74 daanan at 10 tulay ang hindi pa rin madaanan.

Sa ngayon, umabot na sa P111,123,620 ang naipamahaging tulong ng gobyerno sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo.