Calendar
Patusada ni Goma: Bahay mo linisin mo muna
UMANI ng atensyon online ang post ni Leyte Rep. Richard “Goma” Gomez sa Facebook na paniwala ng marami ay patama kay Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong, na kamakailan ay bumatikos sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Bagama’t hindi direktang pinangalanan ang alkalde, dala ng mensahe ni Gomez ang mga pahayag na tila malinaw na nakatuon kay Magalong, na sinabihan niyang “fix your own house first before pointing fingers at others.”
Sa kanyang pahayag, nagsimula si Gomez sa pagdududa sa madalas na pananalita ng hindi pinangalanang mayor laban sa mga mambabatas, na hayagang nagtataka sa motibo nito at sa kanyang asal sa pampublikong diskurso.
“Why is this city mayor making so much noise?” ani Gomez.
Ipinahayag ng Leyte solon ang kanyang pagkadismaya sa paulit-ulit na paratang ng mayor, na inilarawan niyang karaniwang taktika para makakuha ng pansin at atensyon sa media.
Hinamon din niya ang imaheng pinapalaganap ng alkalde ng Baguio bilang isang opisyal na malinis at hindi korap.
“Corruption has become the easiest issue to ride on nowadays, but let’s be honest, I don’t think this is all about corruption,” dagdag pa niya.
Binanggit din niya ang alitan sa pagitan ng alkalde at ng sariling kinatawan ng distrito ng lungsod, na aniya’y maaaring nagtutulak sa matitinding pahayag ng alkalde laban sa mga miyembro ng Kongreso.
“If this is about his own congressman, who happens to bring in more projects for his district than he can for his city, don’t include all of us,” sabi ni Gomez.
Binigyang-diin ng mambabatas na kung personal o nakaugat sa lokal na kompetisyon ang hinaing ng alkalde, dapat itong resolbahin nang hindi dinadamay ang buong institusyon.
“If you have a problem with your congressman, face him. Don’t drag all of us into your fight. Don’t discredit every congressman just to make yourself look good,” dagdag niya.
“You talk nonstop about corruption in Congress, why? Because it’s an easy headline?” tanong niya.
Binanggit niya ang mga isyu sa kalikasan, transportasyon, pamamahala ng basura, at urban development bilang mga suliraning dapat bigyang agarang pansin.
Nagtapos ang kanyang batikos sa sentral na mensahe ng kanyang post, na nagsilbing babala at panawagan sa alkalde na hindi niya pinangalanan.
“Maybe it’s time to fix your own house first before pointing fingers at others,” aniya.
“Mahiya ka naman,” sulat ni Gomez.

