BBM Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

PBBM: Kaso mula sa imbestigasyon sa baha dapat solid, kumpleto

298 Views

BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matibay na ebidensya laban sa mga sangkot sa mga kuwestyunableng proyekto sa flood control.

Iginiit din niya na ang pagsasampa ng mahihinang kaso ay maaaring bumalik sa gobyerno at makasira sa kampanya nito para sa pananagutan.

“Look, anong mangyayari: minadali natin, hindi kumpleto ang ebidensya natin, malabo ‘yung ebidensya natin pero pinilit natin, natalo ‘yung kaso. Can you imagine? I think that would be much, much, much, much worse,” pahayag ni Pangulong Marcos sa video teaser na ipinalabas nitong Linggo para sa pinakabagong panayam sa BBM Podcast.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na bagama’t maraming indibidwal na sangkot sa mga kuwestyunableng proyekto ang hindi inosente, kailangang tiyakin ng pamahalaan na ang mga kasong isasampa sa korte ay may matibay na ebidensya.

“We know many of these people are not innocent, but if you’re going to bring them to court, you must have a very strong case,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nagbabala ang Chief Executive na ang pagmamadali sa pagsasampa ng kaso nang kulang o mahina ang ebidensya ay maaaring humantong sa pagkakabasura ng kaso, na magpapalakas lamang ng loob ng mga lumalabag at makasisira sa kredibilidad ng kampanya ng gobyerno laban sa korapsyon.

Muling iginiit ni Pangulong Marcos na ang lahat ng kilos ng pamahalaan ay dapat na naaayon sa batas.

“We have to follow the law. Otherwise, whatever we do is not legitimate. And we have to be very, very clear that we go after the guilty ones,” diin ni Pangulong Marcos.

Noong Setyembre 11, itinatag ni Pangulong Marcos ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga pinaghihinalaang kuwestyunableng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pinangunahan ng Pangulo ang panawagan para sa pananagutan at transparency kaugnay ng mga isyu ng katiwalian sa paggastos para sa mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang na ang mga proyekto sa flood control.

Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, binatikos ni Pangulong Marcos ang mga nasa likod ng mga iregularidad sa mga flood control project at sinabing, “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino.”

Kasunod ng pahayag na ito, inilunsad ng Pangulo ang Sumbong sa Pangulo na isang website na nagbibigay ng daan para sa mga mamamayan na direktang iulat ang mga substandard o hindi natapos na proyektong pang-imprastruktura sa kanilang mga komunidad. PND