Lacson

Na-coup po, may coup sa Senado?

359 Views

ISANG buwan matapos maluklok sa kanilang posisyon , nahaharap sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson sa umiinit na espekulasyon ng isang coup sa Senado, na umano’y bunga ng pag-angal ng ilang miyembro sa direksyon ng pamumuno at sa paraan ng pagsasagawa ng mga imbestigasyon sa katiwalian sa kontrobersiyal na flood control at diumanoy iba pang isyu.

Muling nabuhay ang usapin ng hidwaan sa loob ng mataas na kapulungan, kung saan sentro ng atensyon ang tambalang Sotto at Lacson na matagal nang tinutukoy sa pulitika bilang “Batman at Superman” ng Senado.

Si Sotto, na muling naupo bilang Senate President noong Setyembre 8, 2025, ay nanindigang hindi siya ang Senado kundi isa lamang sa mga tagapagtimon nito. “The Senate is the Senate. The Senate President is not the Senate,” giit niya sa ilan na mga panayam.

Ayon sa kanya, ang pagbabalik niya sa puwesto ay hindi tungkol sa kapangyarihan kundi sa pagbabalik ng tiwala sa institusyon. “In the Senate, the rules of procedures are very important to me. Pabor o hindi pabor, kailangan tama ang ginagawa namin,” ani Sotto sa isang panayam.

Binigyang-diin niya na ang Senado ay dapat manatiling simbolo ng katatagan ng demokrasya, kung saan mas mahalaga ang pagkakaisa kaysa sa tunggalian. “The Senate will continue to be a stabilizing institution of democracy. Consensus is always better than confrontation,” dagdag pa ni Sotto.

Si Sotto ay binansagan nuon bilang Batman, at ang dating Senador na si Sen. Edgardo Angara na tinawag naman na si Robin sa panahon ng pagkatakbo sa pagkapangulo nuon ng aktor na si Fernando Poe jr.

Gaya ni Batman, si Sotto ay nagpakita ng kakaibang liderato sa panahon na naging pangulo siya ng senado sa nagdaan panahon ng Kongreso.

Sa panayam ng Fact First kay Sotto, ipinunto niya na ang kanyang pagbabalik pulitika ay hindi upang makamit ang pansariling adhikain kundi upang mag iwan na lamang aniya ng legasiya para sa susunod pang mga henerasyon sa bansa.

Matatandaan na upang maiwasan ang lalong pagkakahati-hati, pinili ni Sotto na hindi bumoto sa Duterte ICC resolution na humihiling ng House Arrest noong Oktubre 1. Aniya, “I will make certain to restore the good image, integrity, and independence of the institution.”

Ipinunto rin niyang hindi dapat ituring agad na masama ang lahat ng budget insertions, lalo na kung ito ay inilaan para sa sektor ng kalusugan at edukasyon. Ang pahayag ay kasunod ng pagsisiwalat ni Lacson na may halos ₱100 bilyong insertions sa 2025 budget na ipinasok ng maraming senador sa 19th Congress.

Si Lacson na binansagan na mala “Superman” ng karamihan ay nagsabing hindi niya babaguhin ang kaniyang paninindigan na isiwalat ang tama at gawin ang nararapat para sa kabutihan ng nakararaming kababayan natin.

Iginiit ni Lacson na dapat lamang na maging bukas sa taumbayan ang anuman usapin sa national budget kung saan ay sinuportahan niya ang Pangulong Marcos jr., na gawin itong bukas sa mata ng lahat upang masuri ng husto ng karamihan kung saan napupunta ang buwis na kanilang ibinabayad sa gobyerno.

Aminado si Lacson na naging mainit ang reaksyon ng ilan sa kanyang mga kasama sa senado bunga ng kanyang istilo ng pagsisiwalat. At matapos nga ang mga maiinit na pahayag ng ilan sa mga kapwa senador, tuwiran din na nagsabi si Sen. Lacson na bukas siyang bumaba bilang tagapangulo ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee kung wala na ang tiwala ng kanyang mga kapwa senador sa mayorya.

“If my colleagues no longer trust me enough and they are not happy anymore with my handling of the Blue Ribbon Committee, I’ve already thought of stepping down as an option,” ani Lacson sa isang panayam sa dzBB.

“Kung nagkukulang na ng pagtitiwala ang aking kasamahan, especially kung mas marami sa kanila, hindi na masaya sa pagha-handle sa akin sa Blue Ribbon, naisip ko na rin na maybe stepping down is an option,” dagdag niya.

Ipinahayag ni Lacson na suspendido muna ang pagdinig ng Blue Ribbon hinggil sa mga umano’y iregular na flood control projects na wala munang eksakto petsa kung kailan muling bubuksan.

“Until further notice.” Ito ay dahil sa kakulangan ng mahahalagang dokumento mula sa DOJ at NBI, bukod pa sa sabayang iskedyul ng budget deliberations at Commission on Appointments, pagdedetalye ni Lacson.

Sa ilalim ng pamumuno ni Lacson, iniimbestigahan ng komite ang higit ₱100 bilyong halaga ng umano’y insertions sa infrastructure projects. Humingi rin si Lacson ng update mula sa DOJ ukol sa “tell-all” affidavits ng mga Discaya, at sa Manila RTC hinggil sa umano’y iregular na notarization ng mga dokumento nina TSgt Orly Guteza at Atty. Petchie Espera. Mariing itinanggi ni Espera na siya ang nag-notaryo ng dokumentong iniuugnay sa paghahatid ng salapi sa mga bahay ng ilang mambabatas.

“Our actions are meant to restore confidence through truth and transparency, not theatrics,” diin ni Lacson, sabay giit na hindi ito palabas kundi tungkulin ng Senado sa taumbayan.

Nauna nang inilahad ni Lacson na pinili niyang bumalik sa serbisyo publiko mula sa pagreretiro matapos ang masinsinang pagninilay at paghikayat ni Sotto. “I do not have to reinvent myself. I pledge to not continue not availing of the pork barrel in any shade or form. I will continue being a vanguard of the annual national budget to the best of my ability,” aniya.

Para kay Lacson, patuloy siyang ginagabayan ng kanyang pinanindigang prinsipyo mula sa Philippine Military Academy: “Courage. Integrity. Loyalty.” Bilang dating hepe ng PNP at beteranong mambabatas, may matibay siyang reputasyon sa pagsulong ng integridad at transparency sa gobyerno. Tumakbo rin siya bilang pangulo noong 2004 at 2022.

Sa paninindigan ni Sotto sa tamang proseso at sa walang takot naman na patuloy na pagbubunyag ni Lacson sa maraming isyu, ang dalawa ay muling nagsasama sa isang layunin: ang muling pagtibayin ang dignidad, pananagutan, at kalayaan ng Senado bilang huling tagapagtanggol ng demokrasya.