Guro Source: PNA file photo

Mga guro binigyang-pugay

233 Views

NAGKAISA sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at JV Ejercito sa pagpupugay sa mga guro sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day, kapwa nagpahayag ng paghanga sa kanilang sakripisyo at nanawagang palakasin pa ng pamahalaan ang suporta sa kanila.

Tinawag ni Pangilinan ang mga guro na “panday ng kinabukasan at pag-asa ng bayan,” at sinabing dapat silang isama sa mga prayoridad ng pambansang badyet kasama ng mga magsasaka at mangingisda. Ipinanukala rin niya ang libreng almusal para sa mga mag-aaral, bilang pagkilala sa mga gurong madalas pang umabono para mapakain ang mga estudyanteng nagugutom.

“Lodi talaga ang mga public school teacher natin,” aniya, at pinuri ang kakayahan nilang magturo, magdisiplina, at gumanap na parang guidance counselor sa mga bata. Binanggit niyang may “superpower” ang mga guro na ayusin ang klase, magpaliwanag ng aralin, at pamahalaan ang disiplina kahit kapos sa kagamitan.

Binigyang-diin niyang ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng sapat na pondo para sa edukasyon “sa gitna ng pagbaha ng korapsyon,” upang matiyak na mapupunta ang pondo sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral.

Sinang-ayunan ito ni Ejercito na nagsabing, “Teaching is not just a profession, it is a vocation.” Ayon sa kanya, maraming guro ang naglalaan ng sariling pera para sa mga materyales sa klase. “Panahon na para suklian sila ng gobyerno ng nararapat na suporta at sapat na compensation,” dagdag niya.

Giit ng dalawang senador, ang tunay na pagpupugay sa mga guro ay ang paggawa ng kongkretong hakbang—sa pamamagitan ng maayos na sahod, benepisyo, at mga programang kumikilala sa kanilang ambag sa kinabukasan ng bayan.