PBBM Tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Punong Ministro ng Singapore na si Lawrence Wong sa Palasyo ng Malacañang sa Maynila noong Hunyo 4, 2025. Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes (Hulyo 28, 2025), sinabi ni Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapatupad ng patakarang panlabas na “kaibigan ng lahat, kaaway ng wala,” habang sinisiguro sa publiko na naninindigan ang bansa sa pagtatanggol sa interes ng mga Pilipino, sa loob man ng teritoryo ng bansa o sa ibang panig ng mundo. Larawan mula sa Presidential Photojournalists Association

PBBM: PH bansang bukas, sumusunod sa pandaigdigang batas

419 Views

IPINAHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na ipinatutupad ng pamahalaan ng Pilipinas ang patakarang panlabas na “kaibigan ng lahat, kaaway ng wala”, kasabay ng pagtitiyak na buo ang paninindigan ng bansa sa pagtatanggol sa interes ng mga Pilipino, sa loob at labas ng bansa.

“Noon pa man at hanggang ngayon, iisa ang ating panlabas na patakaran — ang Pilipinas ay kaibigan ng lahat. Ang Pilipinas ay kaaway ng wala,” ani Marcos sa kanyang ika-apat na SONA nitong Lunes.

Sa ilalim ng patakarang ito, binigyang-diin ni Marcos na ipinapakita ng pamahalaan na ang Pilipinas ay isang bansang bukas, sumusunod sa pandaigdigang batas, at mapayapang nakikitungo sa ibang mga bansa.

“Ngayon, masasabi natin na mataas ang tingin ng buong mundo sa Pilipinas dahil maayos, patas, at mahinahon tayong nakikitungo sa iba’t ibang mga bansa. Tumutupad din tayo sa ating mga kasunduan, at sa mga batas at panuntunan ng pandaigdigang komunidad,” aniya.

Kasabay nito, tiniyak din ng Pangulo na matatag ang paninindigan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa mga karapatan nito, at patuloy ang pagpalakas sa kakayahan nitong ipagtanggol ang sarili—isang malinaw na pagtukoy sa tensyon sa South China Sea, kung saan sangkot ang Pilipinas at Tsina sa isang sigalot sa karagatan.

“Sa harap ng mga bagong banta sa ating kapayapaan at soberanya, mas maigting ngayon ang ating paghahanda, pagmamatyag, at pagtatanggol sa ating sarili,” aniya.

“Gayunpaman, tayo pa rin ay nagtitimpi at nananatiling mapagpasensya, lalo na sa pagtanod sa ating buong kapuluan at sa pangangalaga sa ating interes,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan at pakikipagkaibigan sa iba’t ibang bansa upang palakasin ang posisyon ng Pilipinas sa rehiyon at pandaigdigang komunidad.

“Ngayon, mas mataas pa ang ating kumpiyansa dahil mas marami na tayong mga kasangga na magiging kabalikat natin sa oras ng matinding pangangailangan,” ayon sa kanya.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, pinalalalim ng Pilipinas ang ugnayang pangseguridad nito sa mga bansang may katulad na pananaw.

Konkretong hakbang dito ang paglagda ni Pangulong Marcos sa dalawang batas—ang Philippine Maritime Zones Act at ang Archipelagic Sea Lanes Act—na higit pang nagpapatibay sa soberanya at hurisdiksyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa pamamagitan ng Philippine Maritime Zones Act, tinutukoy na nang malinaw ang saklaw ng internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone (EEZ), at continental shelf ng bansa alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award sa South China Sea.
PNA