Calendar
Pekeng kostumer tinakbo P156K gadgets arestado

KAMPO HENERAL MALVAR, Batangas City — Isang 24-anyos na lalaking di-umano’y tumangay ng P156,000 na halaga ng mga gadgets ang nasakote ng mga tauhan ng Lipa City police sa Lipa City, Batangas noong Sabado.
Ang biktima, ayon kay Batangas police director P/Col. Meliton Salvadora Jr., ay isang babaeng may-ari ng tindahan ng cellphone at mga accessories at ang suspek ay nakilalang si alyas Macky.
Sa imbestigasyon, nakipag-ugnayan ang suspek sa biktima sa FB page tungkol sa mga gadgets at mga presyo ng cellphone.
Pagdating ng suspek sa tindahan, pinili niya ang tatlong smartphones, isang smartwatch, tatlong libreng cellphone case at tempered glass na may kabuuang halaga na P156,000.
Nagbigay ang suspek ng P6,000 advance fee at nangakong babayaran ang balanse sa isang bahay sa Lipa City.
Pagdating sa bahay, inutusan ang biktima na kumatok sa pinto habang hawak ng suspek ang mga gadget at bigla na lang tumakbo bitbit ang lahat ng mga item.
Nag-post sa FB ang biktima tungkol sa insidente at kinalaunan, isang indibidwal ang nagbigay ng impormasyon na isang lalaki ang nagbebenta ng mga ninakaw na gadget sa Lipa City public market.
Humingi ng tulong sa pulis-Lipa ang biktima kaya naaresto ang suspek at narekober ang lahat ng ninakaw na items.

