Delima Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima

PH walang K pabalikin DU30 — De Lima

239 Views

TINULIGSA ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ang resolusyong inihain sa Senado na nananawagan sa agarang pagbabalik ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC), na tinawag niyang isang political posturing lamang at walang anumang legal na bigat sa kasong kinakaharap nito.

“Sa tingin ko, political posturing na lang ‘yan (Senate resolution) kasi wala na ho sa kapangyarihan ng gobyerno natin na pabalikin siya (Duterte),” ani De Lima, dating senador at kalihim ng katarungan, sa isang panayam sa media.

Ipinaliwanag ni De Lima na ang ICC ay isang independenteng pandaigdigang tribunal na may sapat na hurisdiksyon sa mga diumano’y krimen na ginawa ni Duterte sa ilalim ng kanyang madugong kampanya kontra droga.

“Isang international tribunal, which is the ICC, with competent jurisdiction over the alleged crimes—crimes against humanity. At nakuha na nga siya kasi naaresto legally, validly, kaya nandoon na sa kanila,” aniya.

Si Duterte, 80-anyos, ay inaresto noong Marso 11 pagdating niya sa Maynila mula Hong Kong sa bisa ng isang warrant na inilabas ng ICC. Siya ay agad na dinala sa The Hague kung saan siya kasalukuyang nakakulong.

Humarap si Duterte sa mga hukom ng ICC sa pamamagitan ng video noong Marso 14, at itinakda ang pre-trial hearing para sa Setyembre 23 upang kumpirmahin ang mga kaso laban sa kanya.

Inakusahan si Duterte ng ICC ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y pag-uutos, pagpopondo at pagpapahintulot sa mga death squad na responsable sa libu-libong extrajudicial killings habang siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng bansa.

Isa sa pinakamatalim na kritiko ni Duterte at dating chair ng Commission on Human Rights, binalaan ni De Lima na hindi basta-basta matitinag ang ICC sa mga resolusyong lokal o sa pampulitikang presyon.

“Hindi na nila (ICC) ‘yan pakikinggan kung anuman ‘yung mga sasabihin ng mga domestic authorities. They can take note of the [motions], but they cannot grant… ‘yung ganyang mga usapin na pabalikin n’yo na,” giit niya.

Binanggit din ni De Lima na ang legal team ni Duterte ay naghain na ng kahilingan para sa pansamantalang paglaya, at ang usapin ay nasa kamay na ng ICC Pre-Trial Chamber.

“May proseso. ‘Di ba meron silang pending request for interim release? Eh hintayin siguro nila ‘yung action doon ng ICC,” dagdag niya.

Ang resolusyong isinampa sa Senado ay inihain ni Senador Robinhood Padilla at nilagdaan ng mga kaalyado ni Duterte na sina Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher “Bong” Go, na pawang mga miyembro ng partidong PDP-Laban ng dating pangulo.

Ang naturang panukala ay nananawagan sa “immediate return” ni Duterte mula sa kustodiya ng ICC na sigaw ng kanyang mga tagasuporta.