Calendar
Abante opisyal na halal na Kinatawan ng ika-6 Distrito ng Maynila
PORMAL nang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) si Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. nitong Martes bilang opisyal na halal na Kinatawan ng ika-6 na Distrito ng Maynila sa House of Representatives, matapos tanggihan ng Comelec En Banc ang motion for reconsideration na inihain ni Luis “Joey” Chua Uy.
Ayon sa Comelec, si Uy ay hindi kailanman kuwalipikadong tumakbo sa pagka-kongresista dahil hindi siya isang natural-born citizen.
Matapos ang kanyang proklamasyon, nagpaabot ng pasasalamat si Rep. Abante sa Comelec at nanawagan ng pagkakaisa at serbisyo sa gitna ng mga hamong kinahaharap ng libo-libong pamilya sa kanyang distrito.
“Ngayon na tapos na ang bahaging ito, maaari na tayong magpokus sa kung ano ang tunay na mahalaga: ang kapakanan ng mga taga-Ika-6 na Distrito ng Maynila,” pahayag ni Abante.
“Naniniwala ako na ang tunay na paglilingkod ay dapat lampas sa pulitika. Ngayong araw, muli nating ipinapangako ang taos-pusong serbisyo para sa ating mga kababayan — may kababaang-loob, malasakit, at integridad. Panahon na para tumutok sa taumbayan at tugunan ang kanilang pangangailangan.”
Dagdag pa ni Abante, “Panahon na para isantabi ang pulitikal na pagkakabaha-bahagi alang-alang sa bayan — upang muling ituon ang pansin sa trabaho at pagtutulungan para maihatid ang mga serbisyong nararapat sa ating mga kababayan.”
Ipinahayag din niya ang determinasyong ipagpatuloy ang kanyang tungkulin sa Kongreso upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanyang distrito, kabilang na ang mga batas para sa kapakanan ng mga mahihina at pagpapalakas ng mga lokal na komunidad.
Muling tiniyak ni Abante na ipagpapatuloy niya ang kanyang adbokasiya laban sa ilegal na sugal, maging ito man ay online o offline.
Bilang isang beteranong mambabatas at tagapagtanggol ng mabuting pamamahala at karapatang pantao, kilala si Abante sa kanyang dating posisyon bilang Chair ng House Committee on Human Rights sa ika-19 na Kongreso. Siya rin ay kilala sa pagsusulong ng mga batas para sa nakatatanda, reporma laban sa sugal, at mabuting pamamahala.
Sa resolusyong inilabas noong Hunyo 30, inatasan ng Comelec ang City Board of Canvassers ng Maynila na muling magsagawa ng pagpupulong at iproklama si Abante bilang nag-iisang kuwalipikadong kandidato na nakakuha ng pinakamaraming boto sa halalan noong 2025.
Noong Hulyo 7, naglabas ng Certificate of Finality at Entry of Judgment ang Comelec at inutusan ang City Election Officer ng Ika-6 na Distrito na iabot ang mga dokumento sa City Board of Canvassers upang maisagawa ang agad-agad na proklamasyon ng third-term congressman.

