Pick up truck driver nakatulog; rider nayari, obrero nasugatan

Edd Reyes Jul 25, 2026
48 Views

DEDO ang delivery rider at malubhang nasugatan ang construction worker nang salpukin ng rumaragasang pick-up truck noong Sabado sa Pasay City.

Namatay sa Pasay City General Hospital ang rider sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan samantalang nasa kritikal na kalagayan ang construction worker na nahagip din ng sasakyan habang naglalakad sa kanto ng Villamor C5 Road at West Service Road.

Nakatulog umano ang driver ng pick-up Ford Ranger habang tinatahak ang C5 Road sa Villamor kaya’t nawalan ng kontrol sa manibela na dahilan para salpukin ang rider.

Nagtuloy-tuloy ang pagragasa ng pick-up truck hanggang masalpok din ang naglalakad na obrero sa kanto ng West Service Road at tuluyang banggain ang nakaparadang L300 van sa bangketa.

Nasa pangangalaga na ng Pasay Police Traffic Investigation Section ang driver ng pick-up truck na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injury at damage to property sa Pasay City Prosecutor’s Office.