Pinay Source: FB

Pilipinang nurse nasagasaan sa California

242 Views

ISANG Pilipinang nurse ang nasawi matapos masagasaan sa labas ng Sacramento VA Medical Center sa California, ang ospital kung saan siya nagtatrabaho, ayon sa mga awtoridad.

Kinilala ng Sacramento County Sheriff’s Office ang biktima bilang si Novyrose Mejia, at naganap ang insidente noong Disyembre 13, 2025.

Batay sa ulat, tumilapon si Mejia matapos mabangga ng isang sasakyan at bumagsak ang kanyang ulo sa semento. Agad siyang dinala sa emergency room ng VA Medical Center bago inilipat sa UC Davis Medical Center para sa mas masusing gamutan.

Sa kabila ng agarang pagtulong ng kanyang mga kasamahan at ng mga doktor, binawian ng buhay si Mejia makalipas ang tatlong araw dahil sa matinding pinsala sa ulo. Naiwan niya ang kanyang asawa at dalawang anak na lalaki.

Bago magtrabaho sa Estados Unidos, nag-aral si Mejia sa University of Baguio at kalaunan ay nag-migrate upang doon ipagpatuloy ang kanyang propesyon bilang nurse.

Sa pahayag na inilagay sa GoFundMe page ng pamilya, inilarawan si Mejia bilang isang taong namuhay nang may matibay na pananampalataya, malasakit, at dedikasyon sa paglilingkod. Ayon pa sa kanila, isa siyang debotong Katoliko at mapagkalingang nurse na buong pusong inialay ang sarili sa pag-aalaga at pagtatanggol sa kapakanan ng kanyang mga pasyente.

Kasabay ng matinding dalamhati, kinakaharap din ng pamilya ang mabigat na gastusin kaugnay ng pagpapagamot at libing. Dahil dito, naglunsad sila ng fundraising drive upang makatulong sa mga bayarin, habang patuloy namang nakikiisa ang komunidad sa pagbibigay-suporta.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Rancho Cordova Police Department at ng Sacramento County Sheriff’s Office hinggil sa insidente. Sa ngayon, wala pang inihahaing kasong kriminal kaugnay ng nangyaring aksidente.