Pitaka pinitik, pumitik huli

147 Views

ARESTADO ang 51-anyos na babae na may 15 na naunang kaso ng theft nang muling magnakaw ng pitaka sa convenience store sa Barangay Fairview, Quezon City, noong Agosto 18.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Ana,” na dinakip ng mga tauhan ng Novaliches Police Station (PS 4) matapos matunton sa loob ng tindahan.

Dakong alas-10 ng umaga nang mamili ang biktima at lapitan ng suspek na nag-alok ng tissue at libreng suka.

Habang abala ang biktima sa inaalok ng suspek, palihim umanong kinuha ni Ana ang pitaka nito mula sa eco-bag bago nagpatuloy sa pag-iikot sa loob ng establisimyento.

Nang mapansin ng biktima na nawawala ang kanyang pitaka, humingi ng tulong sa security personnel na nakipag-ugnayan sa mga pulis na nagsasagawa ng police visibility sa lugar.

Natunton ng mga awtoridad ang suspek at narekober sa kanya ang ang leather wallet at Quezon City ID ng biktima.

Bukod sa 15 na naunang kaso ng theft, may mga rekord din ang suspek kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165, swindling at Presidential Decree No. 1602.

Nahaharap ang suspek sa kasong theft.