Liempo

Pork pigue, liempo may MSRP na

Cory Martinez Dec 5, 2025
231 Views

ITINAKDA sa P370 per kilo noong Biyernes ng Department of Agriculture (DA) ang maximum suggested retail prices (MSRP) sa liempo ng baboy sa Metro Manila.

Layunin ng MSRP na maprotektahan ang mga konsumer sa walang katarungang pagtaas ng presyo ng pork habang tinitiyak ang patas na kita sa pork industry value chain.

Sa ilalim ng bagong administrative circular na ipinalabas ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., itinakda naman sa P330 kada kilo ng pigue na ibebenta sa mga pampubliko at pribadong wet market sa National Capital Region.

“We have to restore some sanity in the retail price of pork, a favorite protein source among Filipinos that is in high demand especially during the Christmas season,” ani Tiu Laurel.

Iniulat ng DA Agribusiness Marketing and Assistance Service (AMAS) ang kakaibang pagtaas ng mga retail price na kung saan ang presyo ng liempo ay umabot sa P480 kada kilo sa unang bahagi ng Nobyembre.

“Those prices are absurd given how farm gate prices have fallen recently, threatening the viability of small and medium-sized hog raisers,” dagdag pa ni Tiu Laurel.

Nauna dito, nakipagkasundo ang DA sa mga hog producer na magtakda ng minimum farm-gate price na P210 kada kilo na ang layunin ay protektahan ang growers’ margin matapos ang panahon ng depressed buying prices.

Ayon pa sa kalihim, inirekomenda ni Undersecretary for Livestock Danta Palabrica ang naturang MSRP matapos ang detailed supply-and-demand assessment na nagpapakita na sapat na mapunan ng local production ang pangangailangan ng mga konsumer sa Metro Manila sa mga produkto ng baboy.

Nasang-ayunan ito sa ginawang online consultative meeting noong Nob. 22, 3026 sa mga pork industry stakeholders, na nagpahayag ng pagkabahala sa walang kasiguraduhan na kita nitong holiday season.

Isinapinal ng Bantay Presyo Technical Committee, katuwang ang livestock office at AMAS, ang inirekomendang MSRP base sa historical trends sa mga liveweight hog prices pati na ang paggalaw ng mga wholesale at retail price.