Dy

PRES’L MERIT SCHOLARSHIP MALAKING TULONG SA KAPOS NA MGA ESTUDYANTE

Mar Rodriguez Oct 7, 2026
122 Views

NANINIWALA si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na makatutulong nang malaki sa mga mahuhusay ngunit kapos sa buhay na estudyante ang pagtatatag ng Presidential Merit College Scholarship Programs (PMSPs) upang makapagtapos sila ng kolehiyo at makapag-aral sa mga larangang mahalaga sa bansa.

“Maraming kabataan ang may talino, sipag, at malinaw na pangarap, pero kinakapos ang kanilang pamilya sa gastos sa pag-aaral. Dapat mabigyan sila ng pagkakataong makatapos at magamit ang kanilang galing para sa sariling pamilya at sa bayan,” ang pahayag ni Dy.

Malugod na tinanggap ng Speaker ang pagpapatibay sa bicameral conference committee report ng panukalang batas na nagtatatag ng PMSPs na layuning magbigay ng tuloy-tuloy na suportang pang-edukasyon sa mga kwalipikadong estudyante para sa kolehiyo at teknikal na edukasyon, kabilang ang mga gastusing lampas sa matrikula.

Sa pinagsamang bersyon ng panukala mula sa House Bill No. 8477 at Senate Bill No. 2410, itatatag ang dalawang programa:

– Presidential Merit College Scholarship Program sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED) at
– Presidential Merit Technical Scholarship Program sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Layunin nitong tugunan hindi lamang ang problemang pinansyal ng mahuhusay na estudyante kundi pati ang kakulangan ng mga manggagawa sa mahahalagang larangan na mahirap punan.

Kabilang sa mga pangunahing benepisyaryo ang mga natatanging senior high school graduates mula sa mga pamilyang mababa hanggang katamtaman ang kita.

Sa ilalim ng Section 5 ng panukala, karaniwang itatakda ang taunang family income ceiling sa ₱2 milyon batay sa pinagsamang gross annual income ng mga magulang o legal guardians ng aplikante.

Maaari itong repasuhin at baguhin pana-panahon depende sa gastos sa edukasyon, inflation at bilang ng mga umaasa sa pamilya.

Para sa college scholarship, kinakailangang nakapagtapos ang aplikante ng senior high school, kabilang sa top 1 percent ng Grade 11 students ng kanilang paaralan, may general weighted average na hindi bababa sa 95 percent o katumbas nito, at walang bagsak na marka sa unang dalawang termino ng Grade 12.

Samantala, para sa technical scholarship, kinakailangang nakapagtapos ng senior high school na may general weighted average na hindi bababa sa 90 percent o katumbas nito at matanggap o makapag-enroll sa isang TESDA-recognized diploma program sa isang priority sector.

Mahalagang bahagi ng panukala ang pagkakaroon ng tulong para sa iba pang gastusin ng mga iskolar.