Mendez

PRO-3 nakalutas ng 43 kasong administratibo

Bernard Galang Apr 27, 2026
56 Views

CAMP CAPTAIN JULIAN Olivas–Nalutas ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang 43 kasong administratibo sa loob ng dalawang buwan na tanda ng mas pinaigting na kampanya upang ipatupad ang disiplina at pananagutan.

Ayon kay PRO 3 director Brig. Gen. Jess B. Mendez, ang mga kasong nalutas mula Pebrero 24 hanggang Abril 26 ay kinasangkutan ng mga tauhan mula sa iba’t-ibang unit ng organisasyon.

Kabilang sa mga may kaso ang 10 Police Commissioned Officers (PCOs), 43 Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) at isang Non-Uniformed Personnel (NUP) na sumasalamin sa “no rank is exempt” policy.

Sa 43 kaso, siyam na tauhan ang tinanggal sa serbisyo–isang PCO at walong PNCO–at 21 ang nasuspinde.

Siyam na respondent ang naabswelto, tatlo ang na-reprimand at isang PNCO ang na-demote.

Binigyang-diin ni Mendez na ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap upang patatagin ang integridad sa hanay ng pulisya habang muling binubuo ang tiwala ng publiko.

“Ang paglilinis sa ating hanay ay hindi lamang tungkol sa pagpaparusa, kundi sa pagpapanatili ng dangal ng ating organisasyon,” sabi ng heneral.

Ang hakbang ay kaayon ng focused agenda ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa integrity monitoring at accountability mechanisms sa loob ng Philippine National Police.