Programang “Bayad na Bill Mo” nagbigay benepisyo sa 14K pasiyente sa 2 ospital

272 Views

MAHIGIT 14,000 pasyente mula sa dalawang ospital ng Department of Health (DOH) ang nakinabang sa programang “Bayad na Bill Mo” ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. mula nang ito’y ilunsad halos apat na linggo pa lamang ang nakararaan.

Inihayag ng Pangulo ang zero balance billing policy sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, 2025.

Ang nasabing programa ay ipinatutupad sa mga basic o ward accommodation ng 87 DOH hospitals sa buong bansa.

Ayon sa DOH, higit 12,000 pasyente sa Eastern Visayas Medical Center (EVMC) sa Tacloban City at higit 2,400 pasyente sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City ang nabura na ang kanilang bayarin sa ospital sa tulong ng gobyerno.

Bumisita si Pangulong Marcos sa EVMC noong Lunes at sa EAMC naman noong Martes upang personal na makita ang pagpapatupad ng programa.

“So, I’m happy to be able to report that the zero billing program is proceeding well,” wika ng Pangulo sa EAMC matapos ang pakikipag-ugnayan sa mga pasyente at kawani ng ospital.

Hinikayat naman ng Pangulo ang publiko na ipamalita ang programa upang mas marami pang Pilipino ang makinabang dito at hindi na matakot magpagamot dahil sa kakulangan sa pera.

“Kaya ikalat ninyo ito, word of mouth… ipaalam natin sa lahat ng tao para hindi na sila nagdadalawang-isip na magpatingin, magpagamot, at magpagaling,” ani Marcos.

Ang pondo para sa programang ito ay nagmumula sa:

Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), at alokasyon ng mga DOH hospitals.

Dagdag pa rito, suportado rin ito ng PhilHealth sa pagbibigay ng karagdagang tulong pinansyal.