Calendar
Source: US Embassy in the Philippines file photo
Programang sumusuporta sa pamilyang Pilipino itinutulak palakasin
ISINUSULONG ni Senadora Camille Villar ang hanay ng mga panukalang batas sa Senado na layong palawakin ang access sa serbisyong pangkalusugan, itaguyod ang karapatan ng mga manggagawa, at palakasin ang mga programang sumusuporta sa pamilyang Pilipino.
Kabilang sa kanyang mga mungkahi ang paglikha ng Cancer Medicine and Treatment Assistance Fund para sa mga indigent at kapus-palad na mamamayan. Kasama rin dito ang panukalang gawing obligasyon ng lahat ng pampublikong ospital—mula pambansa hanggang panlalawigan—na magtatag ng mga dialysis ward na magbibigay ng libreng gamutan para sa mga mahihirap.
Sa larangan ng paggawa, iminungkahi ni Villar ang mga hakbang upang maprotektahan ang padalang salapi ng mga OFW at matulungan ang mga manggagawang naapektuhan ng digital transformation at artificial intelligence. May panukala rin siyang naglalayong alisin o ibaba ang bayarin para sa mga dokumentong kailangan sa pag-aaplay ng trabaho ng mga mahihirap na aplikante.
Para naman sa kapakanan ng pamilya, isinusulong niya ang pagpapabuti ng maternal healthcare sa panganganak, maagang interbensyon para sa mga batang may espesyal na pangangailangan, at paglalatag ng proteksyon sa mga kabataang gumagamit ng internet.
Dagdag pa rito, kabilang sa kanyang mga panukala ang pagbibigay ng libreng serbisyo sa pagbiyahe ng relief goods sa panahon ng kalamidad at ang programang “one town, one tourist attraction” upang paunlarin ang lokal na turismo at ekonomiya.
Sa kabuuan, layunin ng mga panukalang batas ni Villar na isulong ang pantay-pantay na access sa serbisyong panlipunan, palakasin ang proteksyon ng bawat Pilipino, at isulong ang makatarungang pag-unlad sa buong bansa.

