Socmed

Paggamit ng bagets sa socmed nais higpitan

ISINUSULONG ni Senador Panfilo “Ping” M. Lacson ang isang panukalang batas na layuning higpitan ang paggamit ng social media ng mga kabataang wala pang 18 taong gulang.

Ito ay tugon sa lumalaking pangamba sa epekto ng digital exposure sa mental at emosyonal na kalusugan ng mga bata.

Ang panukala, na pinamagatang “An Act Regulating the Use of Social Media Platforms by Minors, Imposing Age Restrictions, Providing Penalties for Violations Thereof, and for Other Purposes,” ay naglalayong ipagbawal ang access ng mga minor de edad sa social media platforms. Inaatasan nito ang mga kumpanya na magpatupad ng masusing age verification at account restrictions.

Binigyang diin ni Lacson ang datos mula sa UNICEF na nagpapakita ng tumitinding online threats gaya ng cyberbullying, body image issues, at harassment na nararanasan ng mga batang Pilipino. Tinukoy rin niya ang ulat ng Council for the Welfare of Children na nagsasabing isa sa bawat tatlong bata sa bansa, may edad 0 hanggang 18, ay gumagamit ng internet, at 60% ng mga nasa edad 10 hanggang 17 ay aktibong online.

“Taking inspiration from [Australia’s] model, and in adherence to our State’s declared policy of promoting and protecting the mental and emotional well-being of its children, this bill is being proposed to protect Filipino children below 18 years old from online risks and harmful content,” ayon kay Lacson.

Sa ilalim ng panukala, kailangang gumamit ang social media companies ng mga teknolohiya gaya ng ID verification, facial recognition, at iba pa upang makumpirma ang edad ng mga user.

Kailangan din nilang magsagawa ng regular audits, agad na tanggalin ang mga account ng menor de edad, at tugunan ang mga reklamo kaugnay nito.

Itinalaga ang Department of Information and Communications Technology (DICT) bilang pangunahing ahensya na magpapatupad ng batas. Katuwang nila ang NTC, DSWD, at DepEd sa pagbabantay at pag-aksyon laban sa mga paglabag.

Mahaharap sa mabigat na parusa ang mga lalabag—mula P1 milyon hanggang P20 milyon kada paglabag, dagdag pa ang araw-araw na multa na aabot sa P100,000. Maari ring suspindihin o bawiin ang operasyon ng mga hindi susunod. Saklaw rin ng parusa ang mga internet service providers at third-party verification companies.

Ipinunto rin sa panukala na ang pangangalap ng personal na datos para sa age verification ay dapat sumusunod sa Data Privacy Act of 2012—dapat itong limitado, ligtas, at ginagamit lamang para sa lehitimong layunin, habang malinaw na ipinaaalam sa mga user ang kanilang mga karapatan.

Kung maisasabatas, magsisilbing mahalagang hakbang ito sa pagprotekta sa kabataang Pilipino laban sa mga panganib ng digital na mundo, habang pinalalakas ang kanilang kaligtasan at kapakanan online.