Calendar
Hontiveros: Hindi ako papayag sa ganitong pagsisinungaling
NAGSAMPA ng reklamo si Senadora Risa Hontiveros sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Martes, Hulyo 2, laban sa mga pinaniniwalaang nasa likod ng paggawa at pagpapakalat ng dalawang kontrobersyal na video na nagpapakita kay whistleblower Michael Maurillo alyas Rene.
Kasama si Atty. Francesco Britanico at ang kanyang legal team, iginiit ng senadora na layunin ng reklamo na matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng umano’y planadong kampanya ng disimpormasyon.
“Hindi ako papayag sa ganitong mga pagsisinungaling, mga mapapanganib na pagsisinungaling. Ang tinarget ay ang mga witnesses, pati mga staff ko, tinarget ang Senado mismo,” aniya.
Aabot sa 12 katao ang isinama sa paunang reklamo, kabilang na ang mga kilalang personalidad online. “Maaaring dumami pa po ’yun, at maaaring dagdag sa cyber libel ang iaakusa ko sa kanila,” dagdag pa niya.
Ikinuwento rin ng senadora na noong Hunyo 22 at 23 ay nakatanggap ang kanyang opisina ng mga mensahe mula kay Maurillo na nagsasabing siya ay dinukot umano ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at nakakulong sa “Glory Mountain.” Makalipas lamang ang ilang araw matapos maipasa sa Philippine National Police ang mga mensaheng iyon, lumabas sa social media ang mga video kung saan binabawi umano ni Maurillo ang kanyang naunang pahayag.
“Naghuhumingi ng rescue dahil siya daw ay kinidnap ng KOJC… pero habang kinikilusan na ng PNP yung kanyang mga mensahe, lumabas na itong video,” ayon kay Hontiveros. Isa rin sa kanyang ikinabahala ang biglaang pagsulpot ng isang bagong YouTube channel na naitatag noong Hunyo 24—isang araw lamang matapos ang huling komunikasyon ni Maurillo.
“Hiniling ko sa NBI ngayon alamin sino ba ’yung Pagtanggol Valiente… baka o malamang konektado ’yan doon sa cry for help ni Michael.”
Bagamat patuloy ang kanyang panalangin para sa kaligtasan ni Maurillo, iginiit ng senadora na kailangang magkaroon ito ng paliwanag at panagutan.
“Nanalangin pa rin ako para sa kanyang kaligtasan… pero gayonpaman, kailangan na niyang magpaliwanag at managot kung bakit siya nagsisinungaling sa mga video na ito,” aniya.
Nang tanungin kung may plano ba ang Senado na magsagawa ng rescue operation kay Maurillo, nilinaw ng senadora ang saklaw ng mandato ng lehislatura. “Ang Senado dahil kami po ay legislative body, hindi po namin mandato o kakayahan mag-rescue… kaya nga ’yung mga huling mensahe ni Michael Maurillo sa PNP Davao namin agad ibinigay.”
Bukas naman si Hontiveros sa panibagong imbestigasyon ng Senado hinggil sa paglaganap ng fake news, kasunod ng mga naunang inisyatibo noong ika-18 Kongreso. “Nasimulan na ’yan ni Sen. Francis Kiko Pangilinan… bukas naman ako sa patuloy itong imbestigahan.”

