Calendar
NAPOLCOM nagbigay-pugay sa 2 pulis na namatay
NAGBIGAY-pugay si National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente R. Calinisan sa dalawang pulis na nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Nagpaabot ng pakikiramay si NAPOLCOM VCEO Calinisan sa mga naulila nina Patrolman Mark Gomer Ornopia Sr. ng Danao City Police Station at Patrolman Curtney Harwin Baggay ng Quezon City Police District.
Binigyang-diin ni Calinisan ang matinding panganib na araw-araw kinahaharap ng mga tagapagpatupad ng batas, at muling nanawagan ng mas pinaigting na suporta para sa mga kapulisan ng bansa.
Bilang anak ng dalawang pulis at isang dating iskolar, binigyang-diin ni Atty. Calinisan ang kahalagahan ng pagpapataas ng moral at kapakanan ng mga miyembro ng kapulisan.
Muling pinagtibay ng opisyal ang kanyang layunin na palakasin ang mga programang pang-iskolar, hindi lamang para sa mga naulila ng mga nasawi o nasugatan sa operasyon, kundi lalong higit para sa mga pulis na patuloy pa ring naglilingkod.
“Layunin kong itaas ang moral at kapakanan ng ating mga pulis sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga scholarship program—hindi lamang para sa pamilya ng mga nasawi o nasugatan, kundi mas higit pa, para sa mga aktibong nasa serbisyo,” dagdag pa ni VCEO Calinisan.
Kaugnay ng adbokasiyang ito, iniimbitahan ni Atty. Calinisan ang pribadong sektor na makipagtulungan sa NAPOLCOM sa pagbibigay ng suporta sa mga inisyatibang pang-edukasyon para sa kapakanan ng mga tapat na pulis ng bansa at ng kanilang mga pamilya.

