Yamsuan

Dagdag, regular na pondo para sa SLP iminungkahi

352 Views

IMINUNGKAHI ni Parañaque Second District Rep. Brian Raymund Yamsuan na dagdagan ang pondo para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng pamahalaan at bigyan ito ng regular na alokasyon sa pambansang badyet upang mapalawak ang sakop ng mga benepisyaryo at pasiglahin ang pag-usbong ng mga “nano” at micro enterprises.

Sinabi ni Yamsuan na ang pagpapalawak ng sakop ng SLP, na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay makatutulong din sa paglikha ng mas maraming trabaho at sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya, lalo na sa mga kanayunan.

“Institutionalizing the SLP ensures that the program would continue to benefit the poor and other vulnerable sectors of our society and yields positive multiplier effects. SLP beneficiaries who succeed in developing their nano enterprises would be able to hire more workers. The improved quality of life and increased purchasing power of both the business owners and their employees mean more spending, which adds value to the economy,” sabi ni Yamsuan.

Sinabi ni Yamsuan na maghahain siya ng panukalang batas sa nalalapit na Ika-20 Kongreso na layuning maisabatas ang SLP upang matiyak ang regular na pondo nito sa pambansang badyet.

“Sapat na tulong na hindi lamang natatapos sa pagbibigay ng pondo kundi dapat ay may kaakibat na maayos na skills training at marketing support ang kailangan ng mga kapus-palad na pamilya para sila ay makaahon mula sa kahirapan, magkaroon ng maginhawang buhay at matatag na kinabukasan. Ang SLP ang maaring maging epektibong instrumento para maisakatuparan ito,” sabi ni Yamsuan, kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng MSME (Micro, Small and Medium Enterprises) Week mula Hulyo 7 hanggang 12, 2025.

Pinangungunahan ni Yamsuan ang pagpapatupad ng SLP sa walong barangay ng Ika-2 Distrito ng Parañaque sa pamamagitan ng kanyang programang Dagdag-Puhunan Para sa Kabuhayan.

Sa ilalim ng programang Dagdag-Puhunan, bawat benepisyaryo ay binibigyan ng paunang P15,000 bilang panimulang puhunan para makapagtayo ng “nano” enterprise o negosyong pinapatakbo ng isa o dalawang tao lamang.

Ang mga benepisyaryo ay kailangang sumailalim sa mga pagsasanay at seminar upang gabayan sila sa pagsisimula at pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo. Nagbibigay rin ang DSWD ng suporta sa marketing, nagsasagawa ng monitoring, at nagbibigay ng karagdagang insentibo sa mga matagumpay na nakapagpalawak ng kanilang kabuhayan.

“The President (Ferdinand R. Marcos Jr.) described the people who run these nano businesses as ‘solopreneurs.’ Their plight is usually overlooked, but the President recognizes this sector as an important aspect of our economy that can contribute to our overall economic growth,” sabi ni Yamsuan.

“Institutionalizing the SLP is in line with the President’s goal of providing support for, and fueling the growth of, nano businesses,” dagdag pa niya.

Ayon sa datos, mahigit 99 porsyento ng mga negosyo sa Pilipinas ay MSMEs. Sa bilang na ito, 90.54 porsyento ay micro entrepreneurs, na marami sa kanila ay nagsimula bilang mga nano o solo-preneurs.

Sinabi rin ni Yamsuan na ang institutionalization ng SLP ay makatutulong din upang mapanatili ang mga tagumpay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasama ng mga pamilyang “graduate” na rito bilang mga benepisyaryo ng SLP.

“If the SLP is assured of adequate and regular funding under the national budget, families which ‘graduate’ from the 4Ps are guaranteed to reap the benefits of this livelihood assistance program.

They will not fall behind and revert to poverty,” ani Yamsuan.

“Like I always say, it’s better to teach people how to fish than just giving them fish, to paraphrase a popular saying,” dagdag pa niya.

Ayon sa DSWD, ang mga benepisyaryo ng SLP sa taong 2024 ay binubuo ng 162,394 na sambahayan mula sa 4Ps program at 202,022 na non-4Ps households, o kabuuang 364,416 na sambahayan.