Ortonio1 Nagsagawa ng direct examination si Prosecution Private Counsel Atty. Mae Divinagracia kay OVP Assistant Secretary and Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio sa ika-18 araw ng impeactment trial laban kay Vice-President Sara Duterte nitong Agosto 25, 2026. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Prosecution: Patunay ng testimonya ni Ortonio na walang lehitimong layunin ang confidential funds ng OVP

152 Views

SA ika-18 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, iniharap ng prosecution bilang hostile witness si Office of the Vice President (OVP) Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel G. Ortonio upang patunayang ang ₱500 milyong confidential funds ng OVP ay walang lehitimong confidential na layunin, iniulat nang may mga iregularidad, at nananatiling hindi maipaliwanag kung saan napunta.

Bago ang testimonya ni Ortonio sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, tinalakay ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang mga napagkasunduan ng magkabilang panig upang paikliin ang proseso ng pagdinig.

Sumang-ayon ang depensa na si Ortonio ay Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff ng OVP, may salary grade 29 na posisyon, may appointment na kasabay ng termino ng Vice President, at humahawak ng posisyong nangangailangan ng tiwala at kumpiyansa.

Pormal namang iniharap ni prosecution counsel Atty. Mae Divinagracia ang testimonya ni Ortonio.

“Your Honors, inihaharap namin ang testimonya ni G. Lemuel G. Ortonio upang maging kwalipikado siya bilang hostile witness,” ani Divinagracia.

Sinabi niyang patutunayan ng prosecution ang 11 punto sa pamamagitan ni Ortonio, kabilang ang kanilang alegasyon na ang confidential funds ay “walang lehitimong confidential na layunin.”

Ayon kay Divinagracia, unang hiniling ng OVP ang ₱250 milyong confidential funds bago pa man magawa ang supporting plan, habang inulit lamang ng 2023 plan ang mga probisyon ng 2022 plan.

“Nauna ang ₱250 milyon, sumunod ang plano matapos itong hiningi sa DBM,” ani Divinagracia. “Hindi plano ang nagtakda ng halaga. Ang halaga ang nauna, saka hinabol ang plano.”

Sinabi rin niyang ipapakita ng prosecution ang awtoridad at pag-apruba ni Duterte sa mahahalagang dokumento.

“Makikita ang bakas ng respondent sa bawat mahalagang dokumento,” ani Divinagracia. “Mula request hanggang liquidation, nasa mahahalagang dokumento ang kanyang awtoridad at pag-apruba.”

Ayon kay Divinagracia, ang liquidation at accomplishment reports ay sumunod sa isang pattern na tila ginawa upang makasunod sa mga panuntunan sa halip na ipakita ang aktuwal na mga operasyon.

“Isinulat ang mga ulat upang umangkop sa mga patakaran, hindi sa mga aktuwal na pangyayari,” aniya.

“Apat na ulat, iisang template, mga halagang hindi nagbabago at laging eksaktong ₱125 milyon. Walang isang piso na sobra, walang isang sentimo na kulang. Walang natira, walang sinauli,” ani ng prosecutor.

Binanggit din ng prosecution ang pagtatanong ng Commission on Audit (COA) hinggil sa mga item para sa medical at food aid sa unang tatlong accomplishment reports, na nagkakahalaga ng ₱40 milyon, ₱42 milyon, at ₱40 milyon.

Napansin ni Divinagracia na limang araw matapos ilabas ang isyu sa audit, nawala ang naturang item sa final accomplishment report, ngunit umabot pa rin sa eksaktong ₱125 milyon ang kabuuang halaga.

Sinabi rin niyang ipapakita ng prosecution na sa loob ng dalawang taong paggamit ng confidential funds na iniulat, walang tinukoy na partikular na lugar, operasyon, o petsa.

“Daan-daang area ang iniulat, ₱500 milyon ang ginastos,” ani Divinagracia. “Ngunit wala ni isang lugar, ni isang operasyon, ni isang petsa ang pinangalanan.”

Ayon kay Divinagracia, ang liquidation ay “late, irregular, at backdated,” at binanggit ang mga resibong isinumite nang 10 buwan na huli at mahigit 100 resibong may petsang isang taon matapos umano bayaran ang mga ito.

Kinuwestiyon din niya ang mga certification na kalakip ng liquidation, na aniya ay “walang pinatutunayan at nilagdaan ng taong tumanggap ng pera.”

“Walang untoward incident; iyan lamang ang pinatutunayan. Walang halaga, walang pangalan, walang lugar, at walang petsa. At ang pumirma ay ang mismong tumanggap ng pera,” aniya.

Ang ikawalong punto ng prosecution ay ang alegasyong ginamit ang ₱500 milyon upang bayaran ang proteksiyong mayroon na si Duterte.

Ayon kay Divinagracia, 473 sundalo at pulis ang nakatalaga na upang magbantay sa kanya at pinopondohan mula sa iba pang appropriations. Samantala, ang mga banta na iniugnay sa New People’s Army at mga teroristang grupo sa mga ulat ay saklaw na umano ng intelligence funds ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

“Bayad na ang proteksyon, bayad na ang pagbabantay, bago pa man gumastos ng kahit isang piso mula sa confidential funds,” aniya.

Sinabi rin ni Divinagracia na nagbabago ang katwiran para sa pondo depende sa dokumento o finding: mula sa ligtas na pagpapatupad ng mga programa para sa good governance sa request sa Department of Budget and Management, tungo sa confidence-building at socioeconomic program delivery sa mga plano, surveillance at information gathering sa mga certification, intelligence gathering sa protective intelligence reports, at surveillance activities sa mga tugon sa audit.

“Anim na bersyon, iisang pondo,” aniya.

Para sa ika-10 punto nito, sinabi ng prosecution na hindi sumagot ang mga taong sinasabing may personal na kaalaman, habang si Ortonio naman ay lumagda sa mga tugon sa COA kahit umano’y sinabi niyang wala siyang personal na kaalaman.

“Ang mga opisyal na may alam ay walang isinagot. Ang taong nagsasabing wala siyang alam ang sumagot sa lahat,” ani Divinagracia.

Sa pagtatapos ng kanyang presentasyon, sinabi niyang ang mga paliwanag hinggil sa confidential funds ay isang “panlilinlang” at ang kabiguang maipaliwanag kung saan napunta ang pera ay nagbubunsod ng presumption of misappropriation.

“Pabago-bago ang paliwanag, walang detalye, walang dokumentong sumusuporta. Pagtatakip, hindi pagpapaliwanag,” ani Divinagracia. “At hanggang ngayon, hindi na-account ang ₱500 milyon ng bayan.”

“Sa ganitong kabiguan, ang batas na mismo ang nagsasalita: prima facie na pinalalagay na ang pondo ay ginamit para sa sariling kapakanan,” dagdag niya.