Luistro

Prosecution team: Let’s get ready to rumble

Mar Rodriguez Jul 4, 2026
59 Views

LET’s get ready to rumble!” Ito ang catchphrase ni Michael Buffer tuwing magpakilala ng maglalaban sa boxing na mensahe ng mga miyembro ng House prosecution panel kaugnay sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.

Sinabi ni Batangas Rep. Jerville Luistro, lead prosecutor, na ang prosecution panel ng Kamara ay fully prepared sa pagsisimula ng umaatikabong impeachment trial ni Duterte sa Hulyo 6.

Ang pahayag ng Batangas Lady solon ay kaugnay sa ginanap na Misa na may temang “Mass for Truth, Justice, and Accountability” na inorganisa ng Clergy for Good Governance sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City.

Inaasahan umano ni Luistro na diringgin ng Senate impeachment court ang mga opening statement at lulutasin ang mga nakabinbing mosyon sa unang araw ng paglilitis.

Tumanggi ang kongresista na ilahad ang mga detalye o merito ng kaso dahil kasalukuyan pa ang mga proseso nito.

“Sana ay maunawaan ninyo na hindi kami pwedeng magkomento nang labis sa merits, kaya ’yun lang muna ang masasabi natin,” dagdag ni Luistro.

Ayon sa private prosecutor na si Atty. Lorna Kapunan, naglista ang prosecution ng 57 testigo kumpara sa mahigit 20 ng defense.

Sumunod na rin sila sa pre-trial order na nag-aatas sa magkabilang panig na kilalanin ang mga ito bago ang paglilitis upang maiwasan ang mga tinatawag na surprise testimony.

Unang ipiprisinta ng prosecution ang article of impeachment na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, alinsunod sa pre-trial order ng impeachment court.

“Naghain kami ng aming komento. Hindi ko pwedeng ihayag ang buod ng aming mga komento ngayon. Hintayin natin ang impeachment court na mag-utos o magkomento sa komento namin,” paliwanag ni Kapunan.