Pulis na inireklamo ng panggugulpi nakatakas

146 Views

NAKATAKAS at hindi naaresto ang pulis na inireklamo ng pambubugbog ng tatlong menor de-edad na 16 at 17 taong gulang habang nag-iinuman umano sila kasama ang kanilang mga kaibigan sa Maligaya Park, Barangay Pasong Putik, Quezon City, noong Agosto 16.

Ayon sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-1:50 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa kanto ng Champaca at Santan Streets.

Sa salaysay ng mga biktima, nasa gitna sila ng kanilang inuman nang dumating ang suspek na umano’y nakainom.

Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang silang pinag-initan ng suspek, at hindi pa nakuntento at isa-isa silang sinuntok.

Ini-report ng mga biktima ang insidente sa Pasong Putik Police Station (PS-16) ng QCPD.

Rumesponde ang mga pulis kasama ang mga Barangay Public Safety Officer (BPSO) upang hanapin ang suspek pero hindi na nila ito naabutan at nakatakas na.

Dinala naman ang tatlong biktima, kasama ang kanilang mga guardian, sa Quezon City General Hospital para sa medical at physical examination.