Quezon

QC tiniyak hustisya sa pinatay na 8-anyos na bata

Cory Martinez Aug 4, 2025
343 Views

MARIING kinondena ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang karumal-dumal na pagpatay sa isang 8- anyos na batang babae na natagpuang wala nang buhay sa Barangay Sta. Lucia, Novaliches.

“Nakikiisa kami sa pagdadalamhati ng pamilya ng biktima at sinisigurado naming hindi ito palalampasin. Walang puwang ang anumang uri ng karahasan sa lungsod,” ayon sa press statement ng lokal na pamahalaan.

Tiniyak din na mananaig ang hustisya dahil kumikilos na ang QC Police District (QCPD) para magsagawa ng masusi, patas, at agarang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na nangyari at mapanagot ang sinumang responsable.

Kaakibat nito, magbibigay ng kinakailangang serbisyo at pag-alalay ang QC Social Services Development Department (SSDD) sa pamilya ng biktima at sa iba pang nangangailangan ng suporta dulot ng insidenteng ito.

Isasagawa rin ang psychological debriefing katuwang ang Schools Division Office ng Quezon City upang matulungan ang mga guro at mag-aaral na makaagapay sa matinding emosyon dulot ng sinapit ng kanilang kamag- aral.

Hinikayat din ang publiko na umiwas sa pagpapakalat ng maling impormasyon, haka -haka, o tsismis na maaaring makasira sa dignidad ng biktima at sa integridad ng isinasagawang imbestigasyon.

“Patuloy na magbabantay ang mga opisyal ng barangay, pulisya, at mga kinauukulang tanggapan upang masigurong ligtas ang bawat komunidad—lalo na ang mga kabataan—mula sa anumang uri ng karahasan,”ayon pa sa pahayag.