Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Rider SOURCE: Screen grab mula GMA News video

Rider sumalpok sa bakal, dedo; 2 angkas kritikal

Edd Reyes Aug 5, 2025
283 Views

DEDO ang isang rider habang sugatan ang kanyang nakababatang kapatid at kaibigang dadalhin sana nila sa pagamutan nang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa posteng bakal na lalagyan ng traffic signage, Martes ng madaling araw sa Caloocan City.

Wala ng buhay nang idating sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang driver ng motorsiklo na si alyas “Aaron” na 27-anyos, habang kritikal ang nakababata niyang kapatid na si alyas “Andre” na 18-anyos.

Inilipat naman sa Caloocan City Medical Center ang kanilang kaibigan na isusugod sana nila sa ospital matapos mapalo ng bote sa isang inuman.

Sa ulat na nakarating kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Jerry Protacio, mabilis na tinatahak ng tatlo ang kahabaan ng Camarin Road dakong ala-1:10 ng gabi patungo sa pagamutan nang mawalan ng kontrol sa manibela si Aaron pagsapit sa pakurbang bahagi ng daan hanggang sumalpok sa bakal na poste.

Tumilapon ang tatlo sa motorsiklo at pawang walang malay nang isugod sa pagamutan sanhi ng pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na “self-accident” ang nangyari na sanhi ng sobrang tulin ng takbo ng motorsiklo.