QCPD: Saksakan sa paaralan sa QC fake news, marites

142 Views

PINABULAANAN ng Quezon City Police District (QCPD) na may pananaksak na nangyari sa Corazon Aquino Elementary School sa Brgy. Batasan Hills noong Hunyo 26 gaya ng ipinapakalat ng mga fake news peddlers sa social media.

Ayon sa QCPD, alas-9:55 ng umaga nang mauwi sa suntukan ang biruan ng tatlong Grade 2 pupils na magkaklase sa loob ng classroom.

Dahil sa insidente, nagtamo ng pinsala sa ulo ang isa sa mga bata.

Rumesponde ang mga pulis at nakipag-ugnayan sa paaralan at mga magulang ng mga sangkot na estudyante upang maresolba ang insidente.

Nabigyan ng kinakailangang medikal na atensyon ang nasugatang bata at naayos ang usapin sa tanggapan ng punong-guro.

Nanawagan ang QCPD sa publiko na huwag agad maniwala o magbahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon lalo na kung galing sa social media.