Bangkay

RD Mendez: May person of interest na sa misteryo ng 2 sunog na bangkay sa Ecija

Steve A. Gosuico Mar 11, 2026
227 Views

Bangkay1PEÑARANDA, Nueva Ecija – Pinatututukan na ni Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Jess B. Mendez ang kaso ng dalawang sunog na bangkay na natagpuan sa loob ng kotseng nasusunog sa Bgy. Sinasajan dito noong Lunes ng umaga.

“On the ground na ang ating mga tao, mga intel at imbestigador, ongoing ang follow-up investigation dito para mahuli ang suspek,” ayon kay Mendez.

“May POI (person of interest) na tayo dun and you will know that soon,” dagdag ng opisyal sa isang panayam sa media sa kanyang unang command visit sa Nueva Ecija police provincial office nitong Martes ng umaga.

Bumisita sa NEPPO si Mendez, na dating provincial police chief ng Nueva Ecija noong 2022 halalan, upang pangunahan ang turnover of command nila outgoing provincial director Col. Heryl L. Bruno at incoming Col. Ritchie R. Claravall.

Binanggit din niya na bago ang naging turnover, silang dalawa ni Bruno ay magkakontakan hanggang Martes ng madaling araw sa pagtutok sa kasong ito sa Peñaranda kaya si Bruno hanggang sa ginanap na turnover nila ni Claravall ay halos wala pa aniyang tulog.

Nauna rito, natagpuan ang dalawang sunog na bangkay ng isang lalaki at babae sa isang nasusunog na Toyota Wigo na may plakang DAR-7847 sa harapan ng Leong Hup farm sa Bgy. Sinasajan dakong alas 10:40 ng umaga.

Matindi ang inabot na pagkasunog sa dalawang biktima kaya di pa matukoy ang kanilang pagkakakilanlan dahil isasailalim pa aniya ito sa forensic examination.

Samantala, tinawag ni Mendez na “reunion of sorts” ang ginanap na turnover of command dahil aniya apat na PD (provincial director) ang sabay-sabay na nagkita-kita at dumalo sa nasabing okasyon.

Bukod sa kanya, kay Claravall at Bruno, nandun din ang presensiya ni Col. Ferdinand D. Germino, ang pinalitan ni Bruno na PD nuong June 24, 2025 na ngayon ay nakatalagang hepe ng regional community affairs and development division ng PRO3 sa Camp Olivas, Pampanga.