Region 4B drivers, operators nakatanggap ng P3.3M ayuda sa fuel

Jun I Legaspi Apr 18, 2026
63 Views

IBINIGAY ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P3.3 milyon sa mga transport service entities (TSEs) sa Region 4B bilang fuel subsidy sa mga pampublikong sasakyan noong Abril 18.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, ang pera ay iniabot kay LTFRB-Mimaropa regional director Eric Bautista sa pamamagitan ng 28 tseke na nakalaan para sa mga TSEs na kumakatawan sa mga driver at operator ng bus, jeepney, UV Express at ride-hailing services.

“Ito ay bahagi ng ating pagsisikap na mapabilis ang proseso ng distribusyon. Mahigpit nating mino-monitor ang sitwasyon sa ground at agad na naglalatag ng mga hakbang kung kinakailangan,” sabi ni Chairman Mendoza.

Nakatakdang ipamahagi sa mga TSEs simula Abril 20 ang fuel subsidy.

Maglalabas pa ng karagdagang tseke para sa ibang rehiyon na nakakaranas ng problema sa kanilang accounts, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na pabilisin ang distribusyon ng fuel subsidy.

“Ang layunin ay maipamahagi ang fuel subsidy sa pinakamabilis na panahon. May ilang hamon tayong naranasan ngunit sa tulong ninyo, makakahanap tayo ng paraan upang masolusyunan ito,” ani Chairman Mendoza.