Calendar
Rehab ng Ozamiz airport pagtutulungan ng CAAP, MisOc
PUMIRMA ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at ang Misamis Occidental ng Memorandum of Agreement (MOA) upang pabilisin ang modernisasyon at rehabilitation ng Ozamiz Airport sa CAAP central office sa Pasay City noong Abril 30.
Pinangunahan ni CAAP Director General Raul Del Rosario at Misamis Occidental Governor Henry Oaminal ang paglagda sa MOA.
Batay sa kasunduan, tutulong ang pamahalaang panlalawigan sa site acquisition na mahalaga para sa pagpapaunlad ng paliparan at sa maagap na procurement at implementasyon ng mga proyektong pang-imprastruktura.
Kabilang sa sasailalim sa rehab ang pagtatayo ng bagong Passenger Terminal Building (PTB), asphalt overlaying at grade correction ng runway area.
“Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya sa aming responsibilidad sa site acquisition para sa ganap na pagpapatupad ng proyektong ito (Expansion of Ozamiz Airport’s PTB),” ayon kay Gov. Oaminal.
Kapag natapos, inaasahang makapagbibigay ang bagong PTB ng mas malaking kapasidad para sa mga pasahero at mas mahusay na operasyon, upang mas mapagsilbihan ang tumataas na pangangailangan sa air travel sa Northern Mindanao,
“Tinataguyod namin ang aming pangako batay sa nilagdaan. Nawa’y magsilbing simula ito ng mga pagbabago sa paliparan sa Misamis Occidental, magbukas ng pintuan sa kaunlarang pang-ekonomiya, at makinabang ang mga mamamayan,” sabi ni Del Rosario
Saksi sa seremonya sina DOTr Undersecretary for Aviation and Airports Jim Sydiongco, Deputy Director General for Operations Rozzano Briguez, Deputy Director General for Administration Atty. Danjun Lucas, Niño Sarte, Chief-of-Staff ng Asenso Pinoy Partylist at Atty. Crestelle Pedrosa, Chief-of-Staff ng tanggapan ni Rep. Sancho Fernando Oaminal.
