Atty. Oducado

Reintegration ng mga OFWs iminumungkahi ni Oducado na ma-institutionalize

Mar Rodriguez Jul 3, 2025
291 Views

IMINUMUNGKAHI ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado na maging “institutionalized” ang implementasyon at programa ng pamahalaan tungkol sa reintegration ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ang inilatag na panukala ng kongresista ay bilang katanungan sa kaniya kung ano-ano ang mga hakbang na maaari nitong gawin ngayong 20th Congress upang maging epektibo ang ang implementasyon ng reintegration program.

Sinabi ni Oducado na kinakailangan maging institutionalized ang ang mga programa para sa pagpapa-uwi o reintegration ng mga Pilipinong manggagawa sa abroad na malaki ang maitutulong nito para sa kanila lalo na para narin sa kanilang pamilya.

Ang isa sa mga ipinapanukala ni Oducado ay ang paglalaan ng Emergency Crisis Fund (ECF) para sa mga OFWs na hiwalay naman ang pondo nito sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ipinaliwanag din ni Oducado na hindi dapat limitado lamang sa ECF ang ibibigay na suporta ng gobyerno para sa mga OFWs at kanilang pamilya. Bagkos, dapat aniyang mapasama dito ang pagkakaroon ng psychological therapies para sa anak ng mga OFWs na nawalay sa kanilang magulang.

“Isa sa naiisip namin na hindi lang dapat limitado sa pagkakaroon ng ECF ang ibibigay na tulong ng ating gobyerno para sa ating mga OFWs. Dapat kasama dito ang pagkakaroon ng psychological therapies para sa kanilang mga anak,” wika ng mambabatas.

Sinabi pa ng 1-TAHANAN Party List solon na dapat iwasan din ng pamahalaan ang tinatawag na “one-time” ayuda para sa mga OFWs kung saan pagkatapos itong maibigay ay wala ng susunod na tulong kaya kinakailangan ng isang long-term solution.

Ayon pa sa kaniya, iminumungkahi din nito ang pagre-repaso sa existing reintegration programs tulad ng “Tulong PUSO” kung saan kinakailangan itong palawigin kaya kahit solong OFW ay puwedeng makinabang sa nasabing programa.