Tulfo1

Resolution ihahain ni Tulfo vs casinos na bigong tulungan AMLC na labanan korapsyon

284 Views

NANINIWALA si Senate Committee on Games and Amusement Chairman Sen. Erwin Tulfo na nagbulag-bulagan ang mga casinos umano na isugal ang bilyong pisong pera ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st Engineering District.

Sa isang panayam sinabi ni Sen. Tulfo, “Wag nilang (casinos) sabihin na hindi nila alam na mga taga-gobyerno itong mga opisyal ng DPWH dahil gumamit ng mga fake ID? Akala ko ba mahigpit nilang ipinapatupad yung “know your client” o KYC policy nila,” anang mambabatas. Dagdag pa ni Sen. Tulfo, “Hindi sila nag-imbestiga kung ano ang negosyo o trabaho man lang ng mga nasabing player na ito dahil hindi naman mga tycoon o galing sa angkan ng mga bilyonaryo ang mga apelyido?”.

Si dating DPWH Dist. Engr. Henry Alcantara ay gumamit umano ng alias na “ Joseph Villegas” habang si Engr. Brice Hermandez ay nagbigay ng fake ID na “Marvin De Guzman”, at si Proj . Engr. Jaype Mendoza ay ginamit ang alias na “Peejay Asuncion.

“Hindi man lang sila nagduda at itinimbre sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil daan-daang milyong cash ang dinadala nila sa casino linggo-linggo,”ayon kay Tulfo.

Tingin ng Games and Amusement Committee Chairman mas pinili ng mga casino na manahimik na lang dahil malaking pera ang dala nina Alcantara, Brice Hernandez, at Mendoza sa kanila at malaking income ito para sa casino.

Ayon pa sa senador mula sa Palawan, “kung ginawa lang ng mga casino ang responsibilidad nila na tulungan ang AMLC magmatyag, e di nahuli agad itong sila Alcantara, Hernandez, at Mendoza at maaring natuldukan ang kanilang pagnanakaw sa pera na bayan”.

Dagdag pa ni Sen. Tulfo maghahain sya ng resolusyon para panagutin ang mga casino na hindi makikipagtulungan sa AMLC para mapigilan ang korapsyon at anti-money laundering ng mga government officials para hindi na muling maulit pa.