Ridon

Ridon ibinahagi mga dapat linawin nina Mendoza at hepe ng BOC sa ICI kaugnay ng Discaya ‘hot cars’

128 Views

ITINALAGA ni House Infrastructure Committee (Infra Comm) overall chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang mga partikular na bagay na dapat sagutin nina Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno sa harap ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga kontrobersiya sa flood control.

“Nililinaw namin na nananawagan kami sa [ICI] na ipatawag ang mga pinuno ng LTO at BOC upang magpaliwanag sa tunay na kalagayan ng importasyon at rehistrasyon ng mga sasakyang Discaya na itinuturing na hot cars,” pahayag ni Ridon bilang paglilinaw sa kaniyang panawagan sa ICI.

Ang terminong “hot cars” ay tumutukoy sa mga diumano’y smuggled na luxury vehicles na pag-aari umano ng kontrobersiyal na mga kontratista sa Pasig City na sina Curlee at Sarah Discaya.

Ang mag-asawang Discaya, na konektado sa ilang kompanyang pangkonstruksiyon, ay itinuturong mga pangunahing personalidad sa umano’y irregular at “ghost” na mga proyekto sa flood control at mitigation na kinasasangkutan ng ilang mambabatas, kabilang ang mga kongresista at senador.

“Partikular, kailangang ilahad ng kasalukuyang pamunuan ng LTO kung bago pa man ma-irehistro, ay natukoy na ba nila kung tama ang binayarang buwis at taripa ng mga Discaya sa dalawang sasakyang inirehistro sa ilalim ng kanilang termino: isang 2024 Toyota Landcruiser at isang 2024 Lincoln Navigator,” ani Ridon.

“Samantala, dahil bago pa lamang ang kasalukuyang pamunuan ng BOC, dapat nitong matiyak kung sinu-sinong mga dati at kasalukuyang opisyal ang maaaring nakipagsabwatan para mapayagan ang pagpasok ng mga Discaya hot cars,” dagdag pa niya.

Itinalaga si Mendoza bilang pinuno ng LTO noong Hulyo 2023, habang si Nepomuceno ay itinalaga bilang hepe ng BOC noong Hulyo ngayong taon lamang.

Nauna nang nagsumite si Nepomuceno ng mga dokumento sa ICI kaugnay ng ilang luxury vehicles na umano’y pagmamay-ari ng mga Discaya.

Noong nakaraang linggo, lumabas ang ulat na ilang luxury vehicles ang nasamsam mula sa paradahan ng St. Gerrard Construction sa Pasig City at dinala sa Bureau of Customs (BOC) sa Maynila. Ang St. Gerrard ay isa sa mga kumpanyang pag-aari ng pamilya Discaya.

Sa kasunod na pahayag, sinabi ng BOC na walo sa mga sasakyan ang “in-import nang walang kaukulang dokumento” kaya’t itinuturing itong “smuggled” at isasailalim sa Warrant of Seizure and Detention.