Calendar
Ridon: Mag-asawang Discaya hindi kuwalipikado bilang state witnesses
IGINIIT ng pinuno ng House Infra Committee na si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hindi karapat-dapat maging state witnesses ang mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya na nasa sentro ng mga maanomalyang flood control projects.
“Di sila kuwalipikado base sa ‘least guilty’ na pamantayan. Para sa akin, kasama sila sa most guilty sa corruption sa flood control projects,” ani Ridon.
Imbes na isama ang mga Discaya sa Witness Protection Program ng Department of Justice, sinabi ni Ridon mas dapat silang kasuhan ng plunder o kaya’y corruption of public officials.
“Gaya ng nabanggit ng isang miyembro namin sa komite, puwede silang kasuhan ng plunder at ang ebidensiya ay ‘yung mismong affidavit nila, kung saan inamin nila na involved sila sa corruption,” dagdag pa ng mambabatas.
Naniniwala din ang kongresista sa naging pahayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na nais lamang ng mag-asawang Discaya na maging state witness upang makaligtas sa asunto, laban sa mga opisyal ng gobyerno na umano’y kanilang binayaran ng bilyon-bilyong kickbacks mula sa flood control projects.
Matatandaang tinalo ni Sotto si Sarah Discaya sa mayoral race sa Pasig noong nakaraang halalan.
Ayon kay Ridon, sapat na ang kinuwestiyong affidavit ng mag-asawa para hindi sila bigyan ng proteksiyon bilang state witnesses.
Unang lumutang ang usapin ng pagbibigay ng state protection sa kontrobersyal na mag-asawa sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa ghost flood control projects.
Sa pagdinig ng Infracom nitong Martes, ibinunyag ni Ridon na batay sa financial statements na isinumite sa Securities and Exchange Commission, nakakuha ang mga Discaya ng kabuuang ₱93.5 bilyon mula sa pamahalaan sa pagitan ng 2014 hanggang 2023 para sa iba’t ibang proyekto sa imprastruktura, karamihan ay sa flood control.
“Based on your admission, you were making a net income of 10 percent to 15 percent. That means that you made ₱9.35 billion to ₱14 billion over the course of those years,” ani Ridon kay Curlee Discaya.
“Hindi po ganun kalaki ‘yun, your honor,” pagtutol ni Discaya.
Ngunit iginiit ni Ridon na sila mismo ang nagsapubliko ng karangyaan ng kanilang pamumuhay sa mga pamayam sa telebisyon kung sana nabanggit din na 11-digits ang kanilang assets.
“That means it’s in the billions,” diin ni Ridon.

