Ridon

Ridon sa kampo ni VP Sara: Huwag mag-drama, drama

35 Views

MAY sapat na pondo ang Office of the Vice President (OVP) upang sagutin ang gastusin sa pagkain ng defense team ni Vice President Sara Z. Duterte sa panahon ng kanyang impeachment trial. At kung may agam-agam sa paggamit ng pondo ng gobyerno, maaari naman umanong gamitin ni Duterte ang sarili niyang pera.

Ito ang sinabi ni House prosecutor Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list, kasabay ng pagtanggi niya sa mga mungkahi sa social media na dapat mag-ambagan ang mga tagasuporta ni Duterte para sa kanyang mga abogado.

“Huwag ho tayong mag-drama-drama dito. Meron namang pera ang OVP para dito. It is just a matter of the Vice President actually signing off for the office,” ani Ridon sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Si Ridon, na siyang chairman ng House Committee on Public Accounts, ay nagsabing kung ayaw ni Duterte na gamitin ang pondo ng OVP, maaari naman niyang sagutin ang gastusin gamit ang kanyang personal na pondo.

“It is the Vice President who is on trial here. Kung ayaw niyang gamitin ang pondo ng OVP, baka magandang gamitin na lang ang personal niyang pondo,” ani Ridon.

Dagdag pa niya, maaari ring makatipid si Duterte kung mananatili siya sa Pilipinas habang isinasagawa ang impeachment trial sa halip na bumiyahe sa ibang bansa.

“Makakatulong siguro ‘yon kung nandito siya sa Pilipinas at hindi niya ginagastos sa kanya pong mga biyahe,” dagdag niya, bagama’t nilinaw ng kampo ni Duterte na hindi gumagamit ng pampublikong pondo ang naturang biyahe.

Nagbigay ng pahayag si Ridon bilang tugon sa kahilingan ni Duterte sa Senado na sagutin ang gastusin sa catering o pagkain ng kanyang defense team habang isinasagawa ang impeachment trial.

Ayon kay Ridon, mismong si Duterte ang lumagda sa kahilingan, kung saan humihingi ito ng hiwalay na catering para sa depensa na ang Senado ang magbabayad.

“It was the Vice President, to be clear, hindi po OVP, ang nag-request nito. They wanted their own catering, but it will be the Senate who will pay for it,” aniya.

Iginiit ni Ridon na walang obligasyon ang Senado na magbigay ng pagkain sa alinman sa prosekusyon o depensa.

“Wala pong obligasyon ang Senado para magbigay ng pagkain, whether sa prosecution o sa depensa,” aniya.

Nang tanungin kung nararapat bang gamitin ang pondo ng OVP para sa pagkain ng defense team, sinabi ni Ridon na wala siyang nakikitang problema rito.

“Kung para doon sa food expenses po ng mga abogado, wala naman ho akong pagtutol. I mean, for her defense, wala ho tayong pagtutol,” aniya.

“Sa tingin ko, lehitimong paggamit naman iyon ng pondo ng OVP. Kaya maaari nila iyong gamitin.”

Gayunman, sinabi ni Ridon na batay sa kanilang pagkakaunawa, boluntaryo lamang ang mga abogado ni Duterte.

“Ang understanding ho namin kasi, ‘yung pong mga abogado ay volunteer lawyers po of the Vice President. So we will leave it at that,” aniya.