Calendar
Ridon suportado panawagan ni PBBM na tanggalin system loss
NAGPAHAYAG ng buong suporta ang Chairman ng House Committee on Public Accounts na si Bicol Saro Party List Rep. Terry L. Ridon sa naging panawagan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., na alisin ang “system loss charge” sa mga bayarin sa kuryente ng mga konsyumer.
Ayon kay Ridon, dapat agarang bigyang-prayoridad ng Kongreso ang pagpasa ng panukalang batas na magbabawal sa mga “distribution utility” na ipasa sa mga konsyumer ang halaga ng system losses sa pamamagitan ng kanilang buwanang singil sa kuryente.
“Hindi na dapat ipinapasan sa mga kabahayan at negosyo ang gastos mula sa “technical” at “non-technical system losses” sa pamamagitan ng hiwalay na system loss charge,” sabi ni Ridon.
Samantala, sinabi ng kongresista na dapat ding agarang repasuhin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang umiiral nitong mga patakaran at gamitin ang buong saklaw ng kapangyarihan nito upang mabawasan ang system loss charges habang wala pang naipapasang batas ang Kongreso.
“Dapat nitong ipagbawal ang pagsingil ng mga pagkawala ng kuryenteng dulot ng kawalan ng kahusayan, mahinang maintenance ng sistema, pagnanakaw ng kuryente, at iba pang maiiwasang sanhi. Kasabay nito, dapat ding magpatupad ang ERC ng mas mahigpit na pamantayan sa kahusayan at pananagutan ng mga distribution utility,” dagdag pa nito.
Mahalagang matiyak, paliwanag pa ng mambabatas, na ang repormang ito ay magreresulta sa tunay na pagbaba ng singil sa kuryente at hindi lamang sa pagtanggal, pagpapalit ng pangalan, paglilipat, o pagsasama ng system loss charge sa ibang bahagi ng billing statement.
Sabi pa nito, batay sa halimbawang system loss charge na ₱0.7413 kada kilowatt-hour (kWh), ang isang pamilyang kumokonsumo ng 200 kWh bawat buwan ay makatitipid ng humigit-kumulang ₱148.26 kung tuluyang aalisin ang naturang singil.
Para sa maraming pamilyang Pilipino na nahihirapan dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin, malaking tulong ang naturang matitipid para sa pagkain, gamot, pamasahe, edukasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Dapat kumilos ang Kongreso at ang ERC nang walang pagkaantala. Hindi na dapat ipapasan sa mga konsyumer ang system losses sa pamamagitan ng hiwalay na singil sa kanilang buwanang bayarin sa kuryente.
Aniya, sa halip, dapat managot ang mga distribution utility sa pagpapabuti ng kanilang sistema, pagbabawas ng system losses, pagpigil sa pagnanakaw ng kuryente, at pagbibigay ng maaasahan at abot-kayang serbisyo sa publiko.

