Calendar
Ridon: Usap-usapan lamang ang umano’y pagbibitiw ni VP Sara; nasa kanya kung lalaban o magbibitiw
IBINASURA nitong weekend ni House prosecutor at kinatawan ng Bicol Saro Party-list na si Terry L. Ridon ang mga espekulasyong maaaring magbitiw sa puwesto si Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte bago iharap sa kanyang impeachment trial ang mga rekord sa pananalapi na maaaring makasama sa kanyang depensa.
Aniya, tanging ang Bise Presidente lamang ang makapagpapasya kung magbibitiw siya o haharapin ang paglilitis hanggang sa huli.
Ginawa ni Ridon ang pahayag nang tanungin tungkol sa mga kumakalat na espekulasyon sa social media na maaaring magbitiw si Duterte bago matanggap ng Senate Impeachment Court ang kanyang mga bank records, tax records, at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ayon sa ilang mga nagmamasid, ang naturang hakbang ay maaaring magpanatili ng kanyang pagkakataong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
“Well, ang totoo naman po, that is just a speculation. I think I’ve seen the same post, pero tingin ko that is just a speculation that the Vice President will resign,” ani Ridon sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
“Kasi ang totoo naman po, bahala ang Pangalawang Pangulo how she will want the trial to proceed, whether she will resign or fight it till the end,” dagdag niya.
Ayon kay Ridon, na siya ring tagapangulo ng House Committee on Public Accounts, handa ang prosekusyon anuman ang maging pasya ng Bise Presidente. Dagdag pa niya, may ilang kasapi ng prosecution panel na naniniwalang dapat magpatuloy ang impeachment trial kahit pa magbitiw si Duterte.
“Pero ang totoo naman, at ito din ang pagtingin ng ilan sa mga kasama namin sa prosekusyon, even if the VP resigns, tingin po namin dapat magtuloy pa rin ang paglilitis kasi ‘di lang naman removal from office ang pinag-uusapan natin dito. Perpetual disqualification from holding public office pa rin ang nakalatag na usapin,” aniya.
Sinabi rin ni Ridon na ang Senate Impeachment Court ang may huling kapasyahan kung magpapatuloy o hindi ang paglilitis sakaling magbitiw ang Bise Presidente.
“So we will leave it to the Senate Impeachment Court in that event kung dapat nga po bang tuloy pa o hindi ’yung paglilitis,” aniya.
Dagdag pa ni Ridon, ang pagbibitiw sa puwesto ni Duterte ay hindi nangangahulugang makaiiwas na siya sa iba pang mga legal na proseso.
“’Yung Ombudsman puwede pong i-pursue ’yan even if an impeachable official resigns. Puwede pong ituloy ng Ombudsman, whether through criminal proceedings or administrative proceedings po,” aniya.
Inaasahang muling magpapatuloy ang mga pagdinig ng Senate Impeachment Court sa Hulyo 29, dalawang araw matapos ihatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Nauna nang iniutos ng impeachment court ang paglalabas ng mga bank records, tax records, at mga dokumento mula sa AMLC ni Duterte, na ayon sa prosekusyon ay mahalagang ebidensya kaugnay ng artikulo ng impeachment na tumutukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Inaasahan ding ipagpapatuloy ng prosekusyon ang paghaharap ng mga ebidensya kaugnay ng mga natitirang artikulo ng impeachment, kabilang ang umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyon na confidential funds.

