PBBM

Romualdez pinuri paglulunsad ni PBBM ng pinalawak na health care program ng PhilHealth

359 Views

PINURI ni reelected Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang pinalawak na primary healthcare program ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang mas maraming Pilipino ang matulungang makapagpagamot at mabawasan ang kanilang kailangang bayaran.

Opisyal na inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Biyernes ang Yaman ng Kalusugan Program para Malayo sa Sakit o YAKAP ng PhilHealth, isang pinalawak na bersyon ng programa ng ahensya upang mas mailapit ang serbisyong medikal sa mga komunidad at mabawasan ang pangangailangang ma-confine sa ospital.

Pinuri ni Rep. Romualdez si Pangulong Marcos sa naturang inisyatiba at sinabing ito ay patunay ng dedikasyon ng administrasyon sa pagbibigay ng tumutugon at inklusibong serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.

“Ang kalusugan ng ating mga kababayan ay isang yaman na dapat inaalagaan ng pamahalaan. Ngunit alam natin ang kanilang mga hinaing – malayo ang ospital, mahaba ang mga pila, at mahal ang magpagamot,” ani Rep. Romualdez

“Walang mayaman o mahirap kapag ikaw ay nagkasakit. Kaya isang magandang hakbang ng ang paglulunsad ni Pangulong Marcos mas pinalawig na serbisyong pangkalusugan upang matulungan ang mga kapos-palad na mabigyang lunas ang kanilang mga karamdaman,” dagdag pa niya.

Positibo ang kinatawan ng Leyte na ang YAKAP program ay makatutulong upang makaiwas ang maraming Pilipino na magkaroon ng malalang karamdaman.

Sa ilalim ng YAKAP, na dating kilala bilang Konsulta Package, maaaring mag-avail ng hanggang 13 diagnostic tests at anim na cancer screening tests tulad ng mammography, liver ultrasound, low-dose CT scan, at colonoscopy.

Makakakuha rin sila ng 75 klase ng gamot na mas marami kumpara sa 54 sa naunang pagpapatupad ng programa.

Pinuri rin ni Rep. Romualdez ang PhilHealth sa YAKAP program, na aniya’y nagpapakita ng matatag na layunin ng ahensya na magpatuloy sa inobasyon, lalo na sa pagbibigay-tuon sa preventive healthcare bilang pangmatagalang solusyon sa mga hamon sa kalusugan ng bansa.

“Ang Philhealth ay hindi lamang dapat ginagamit kapag ang pasyente ay kailangan nang maospital. Nararapat lamang na ang Philhealth ay nagagamit din ng pasyente para sa preventive healthcare para maagapan ang mga sakit bago pa ito lumala,” aniya.

Pinuri rin niya ang PhilHealth at ang administrasyong Marcos sa pagpapadali ng proseso ng pagpaparehistro para sa YAKAP program sa pamamagitan ng iba’t ibang digital platform tulad ng eGovPH mobile app, PhilHealth Member Portal (www.philhealth.gov.ph), o sa mga tanggapan ng PhilHealth at mga accredited primary care providers sa buong bansa.

“For many Filipinos, affordable and accessible healthcare service is now as easy as a simple tap on their smartphones. This is what Bagong Pilipinas is all about – an encompassing mission to improve Filipinos’ welfare through better services and technology,” dagdag pa ni Rep. Romualdez.