Martin2 Sumama si reelected Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin G. Romualdez sa group photo kasama ang ikalawang batch ng mga bagong halal na miyembro ng Mababang Kapulungan ng Ika-20 Kongreso, matapos nilang makumpleto ang tatlong-araw na Executive Course on Legislation, sa isang welcome dinner na inihandog para sa kanila sa Imelda Hall sa Aguado, Maynila, nitong Miyerkules ng gabi. Larawan ni Ver Noveno

Romualdez sa mga bagong kongresista: Lagpasan mga nagawa ng ika-19 Kongreso

448 Views

HINAMON ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, Speaker ng 19th Congress, ang mahigit 60 first term na kongresista na nagtipon nitong Miyerkoles ng gabi, na lagpasan ang mga nagawa o accomplishment ng nakaraang Kongreso at maghatid ng makabuluhang reporma ngayong 20th Congress.

Ginanap ang pagtitipon sa Imelda Hall sa Aguado Residence sa Malacañang, bilang pagtatapos ng ikalawang batch ng tatlong araw na Executive Course on Legislation para sa mga bagitong miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ang kursong ito ay inorganisa ng House Secretariat katuwang ang University of the Philippines – National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG).

Nagtapos ang pagsasanay sa isang fellowship dinner kung saan hinikayat ni Rep. Romualdez, miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), ang mga bagong kongresista na tulungan siyang higitan ang mga nagawa ng ika-19 na Kongreso.

“We wound up the 19th Congress as a very, very productive one,” ayon kay Rep. Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP), habang binigyang-diin ang 61 sa 64 na pangunahing panukala na naipasa ng Mababang Kapulungan bilang bahagi ng Common Legislative Agenda (CLA) ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Noong 19th Congress ay umabot sa kabuuang 11,557 panukalang batas at 2,393 resolusyon ang naihain at 1,565 sa mga ito ang naipasa, kung saan 287 ay naging batas. Sa kabuuan, nakapagproseso ito ng average na 29 panukala bawat araw sa loob ng 188 session days.

“Many say, and I tend to agree with them, that it was the most productive and most hard-working Congress in recent memory,” dagdag pa ni Romualdez.

“But I’m not going to leave it there. Because I think the 20th Congress may just live up to be the better one – with you there,” dagdag pa ni Romualdez.

Ang pahayag ni Romualdez ay nagsilbing pagkilala at hamon sa bagong hanay ng mga mambabatas, habang binigyang-diin niyang ang tagumpay ng Kongreso ay nakadepende sa kanilang kahandaan at sipag sa pagtupad ng tungkulin bilang lingkod-bayan.

Ipinunto rin ni Romualdez na bagamat pinatunayan ng ika-19 na Kongreso ang kakayahan ng Kamara sa pagtutulungan at reporma, nasa kamay ngayon ng bagong hanay ng mambabatas ang pagkakataong magdala ng bagong sigla, sariwang ideya, at mas masigasig na paglilingkod.

Binigyang-diin niya na layunin ng pagsasanay na ihanda ang mga bagong mambabatas sa kanilang trabaho at makatulong agad sa paggawa ng mga batas.

Tinalakay sa kurso ang mga pangunahing bahagi ng paggawa ng batas tulad ng proseso ng pagbalangkas ng panukala, trabaho sa komite, pagba-budget, mga tuntunin sa sesyon, at etika sa serbisyo publiko.

Sa kanyang mensahe, ipinaalala rin ni Romualdez na higit pa sa pagbuo ng mga panukala o pagdalo sa sesyon ang tunay na diwa ng pagiging mambabatas.

“The House isn’t just about passing laws – it’s about listening, serving and lifting people up,” wika ni Romualdez. “With your passion, drive and fresh perspectives, I truly believe we can make this 20th Congress the most dynamic yet.”

Sa buong gabi, nagbahaginan ng natutunan ang mga mambabatas mula sa kanilang pagsasanay at pinag-usapan kung paano maisasama sa kanilang trabaho ang mga layunin ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, muling ipinahayag ni Rep. Romualdez ang kanyang tiwala sa sama-samang kakayahan ng bagong Kongreso.

“With you, the 20th Congress can be even better,” ayon kay Romualdez.

Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon sina Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez, dating Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga, Manila Rep. Joel Chua, Davao de Oro Rep. Maricar Zamora, House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco, Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada, at Deputy Secretary General for Legislative Operations Department Atty. David Robert Amorin.

Naroon din ang ilang pinuno ng Young Guns tulad nina Reps. Paolo Ortega V ng La Union, Jay Khonghun ng Zambales, Rodge Gutierrez ng 1-Rider Party-list, Ernix Dionisio ng Maynila, at Lordan Suan ng Cagayan de Oro City.

Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang tinaguriang House Hotshots o mga umuusbong na kabataang lider sa Kamara na kinabibilangan nina Reps. Andrew Julian K. Romualdez (Tingog Party-list), Javier Miguel “Javi” Benitez (Negros Occidental), Ryan S. Recto (Batangas), Brian Poe-Llamanzares (FPJ Panday Bayanihan Party-list), at Leandro Legarda Leviste (Batangas).