Martin Namahagi ang volunteers mula sa mga opisina ng dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog Party-list ng relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan sa Samar National High School evacuation center sa Catbalogan City. Humigit-kumulang 3,000 residente ang tumanggap ng food packs at mahahalagang gamit bilang bahagi ng patuloy na humanitarian efforts na isinasagawa sa pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal. Tingog Party-list

Romualdez, Tingog naghatid ng tulong sa mga biktima ng magkasunod na bagyo sa Samar

413 Views

IPINAGPATULOY nina dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte at ng Tingog Party-list nitong Lunes ang kanilang relief operations para sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan, na umabot sa libo-libong residente sa Catbalogan City, Samar.

Tinatayang 3,000 katao ang nakatanggap ng food packs at iba pang pangunahing pangangailangan mula sa opisina ng Kongresista ng Unang Distrito ng Leyte at ng Tingog Party-list sa Samar National High School, isa sa mga pangunahing evacuation center sa lungsod.

“Hindi pa man lubos na nakakabangon mula sa Bagyong Tino, muling sinalanta ng Bagyong Uwan ang Catbalogan. Kaya patuloy tayong magdadala ng tulong hanggang sa makabangon ang ating mga kababayan,” ani Romualdez habang namamahagi ng bigas, de-lata, noodles, biskwit, kape, kumot at timba sa mga apektadong pamilya.

Isa ang Catbalogan City sa mga lugar na pinakamatinding tinamaan ng Super Bagyong Uwan, na nagdulot ng malawakang pinsala sa mga kabahayan at imprastruktura.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang mga relief operation ay isinasagawa sa pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal at lider ng komunidad upang matiyak na makarating ang tulong sa mga higit na nangangailangan.

“Ang ating puso ay nasa mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan. Sa tulong ng Tingog Party-list at ng mga lokal na pamahalaan, sisikapin nating mapabilis ang kanilang pagbangon,” dagdag ng mambabatas mula Leyte.

Ayon kay Tingog Rep. Jude Acidre, nagsagawa rin sila ng pamamahagi ng mainit na pagkain sa Barangay Silangan Elementary School sa Quezon City, para sa mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa Metro Manila at Pasig City.

Ang Tingog Party-list ay patuloy na nakikipagtulungan sa Office of Civil Defense (OCD) at mga lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas upang maipadala ang mga relief goods at maipakilos ang suporta para sa mga residente ng Samar at Leyte na naapektuhan ng magkasunod na bagyo.

Sinabi ni Romualdez na ang relief drive ay bahagi ng kanilang patuloy na pangako na tumulong sa mga pamayanang tinamaan ng kalamidad sa rehiyon.

“Ang tulong na ito ay patunay na hindi namin kayo iiwan sa oras ng pangangailangan. Sama-sama tayong babangon mula sa mga pagsubok na ito,” ani Romualdez.