Rufa

Rufa Mae sa yumaong asawa: Salamat sa pang habang buhay na Ikaw, Trev!

Vinia Vivar Jan 13, 2026
139 Views

Sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng kasal ni Rufa Mae Quinto at ng yumaong asawa na si Trevor Magallanes nitong Martes, January 13, nagbigay ng tribute ang sexy comedienne sa mister at binalikan ang naging pagsasama nila sa Amerika, kabilang na ang pagsisilang niya sa kaisa-isa nilang anak na si Athena.

Nag-post ng carousel of photos si Peachy (Rufa Mae) sa kanyang Instagram account kung saan ay makikita si Athena mula noong sanggol pa hanggang sa paglaki nito.

“Ang mga larawang ito ay ang memories kung paano ko po pinanganak, at inalagaan si Athena , hands on and Wala po kami yaya , kami lang mag asawa ang nag Alaga, nagpalaki , hands on parents kami,” simula ni Rufa Mae.

Dahil ilang taon nga raw siyang ordinaryong housewife and mom lang sa Amerika, naninibago siya ngayon sa kanyang pag-aartista. Aniya, ang mga taon na ‘yun ang pinakamaganda at pinakamasayang yugto ng kanyang buhay at ito ay ang pagiging isang ina.

Kaya naman nagpasalamat siya sa yumaong mister at binati niya ito sa kanilang anibersaryo.

“Salamat sa pang habang buhay na Ikaw, Trev! Mula sa tummy ko siya inalagaan ko ng mabuti dala na din ng sobrang pag mamahalan natin, happy anniversary!” mensahe niya.

Ibinahagi rin niya briefly ang kanilang love story ni Trevor.

“Naging kami po January 9, 2016 bago ako umuwi sa Pinas pero bumalik din ako ng January 13 , 2016 sa America para mag pa kasal at di na po kami nag hiwalay mula noon.3 days lang ako sa Pinas bumalik na ako sa Sf agad at mag pa Kasal! Ganoon Kadali, ka gaan at bilis saamin ang Lahat,” kwento ng Kapuso comedienne.

Ibinahagi ri niya kung gaano kahawig na kahawig ni Athena si Trevor mula sa pisikal na anyo hanggang sa ugali.

“Salamat for giving me Athena , kitang kita ko ang Lahat ng Ikaw sa kanyang mga mata , ugali, tawa, mukha, smile, magsalita, kamay , Boses , kuko, Lahat na,” sey niya.

Mensahe pa niya sa pumanaw na asawa, “We miss you physically, , pero alam namin kasama ka namin parati . Andyan lang watching our daughter. Patuloy mo akong alalayan sa mga pangarap natin para kay Athena, Paano pa lakihin sya ng Masaya, mabait, matalino, cute, funny. Healthy wealthy way to go go go!”

Pagtatapos ni Peachy, “Magandang umaga, happy new year, happy 3 kings, happy Chinese new year, happy Valentine’s Day, advance happy birthday.”

Matatandaang pumanaw ang asawa ni Rufa Mae noong July, 2025.