Sara

Sa lumang tuntunin ng Senado, VP Sara o abogado dapat humarap sa impeachment trial

46 Views

DAPAT humarap si Bise Presidente Sara Duterte o ang kanyang abogado sa Senate impeachment court, o magsumite ng pormal na sagot alinsunod sa lumang mga tuntunin ng impeachment ng Senado. Kung hindi, maaaring magpasok ang hukuman ng isang not guilty plea para sa kanya.

Ito ang binigyang-diin ni Manila 3rd District Rep. at chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability na si Joel Chua, na miyembro rin ng House prosecution panel, sa ginanap na Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City habang hinihintay ng mga tagausig ang pinal na mga tuntuning gagabay sa impeachment trial ni Duterte.

“Kasi doon sa old rules nakalagay doon dapat uma-appear ‘yung Vice President or counsel niya o kung hindi man, mag-submit sila ng answer. Otherwise, mag-enter ng not guilty plea,” ayon kay Chua.

Kasalukuyang naghahanda ang House prosecution panel para sa impeachment trial ni Duterte, na nahaharap sa mga artikulo ng impeachment kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at mga pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Chua, hindi pa nakikita ng prosekusyon ang kabuuan ng mga binagong tuntunin na gagamitin sa paglilitis, kaya patuloy nilang mino-monitor kung ano ang pormal na ilalabas ng Senate impeachment court.

“Kasi noong ina-amend nila ‘yung rules, hindi pa namin nakikita ‘yung kanilang actual rules. In fact, may mga inaantay pa nga rin kami,” sabi ni Chua.

Ibinunyag din ni Chua na wala pang natatanggap na pormal na abiso ang House prosecution panel kung kailan inaasahang haharap si Duterte sa impeachment court.

“Now wala pa kaming natatanggap na formal invitation kung kailan a-appear ‘yung Vice President,” pahayag niya.

“So ‘yun pa rin ang inaantay namin,” dagdag pa niya.

Habang patuloy pang tinatalakay ng Senado ang usapin ng magiging presiding officer at iba pang panloob na proseso, sinabi ni Chua na binabantayan ng prosekusyon kung maglalabas ng mga bagong tuntunin upang malinaw na matukoy kung paano isasagawa ang paglilitis.

“So, kaya medyo inaabangan namin kung maglalabas sila ng bagong rules. So sa ngayon ang nilagay lamang nila, ang binigay pa lamang nila sa amin is ‘yung dito sa pretrial,” ani Chua.

Ayon kay Chua, ang tanging natanggap pa lamang ng prosekusyon ay mga patakaran hinggil sa mga paksang tatalakayin sa pre-trial conference.

Nang tanungin kung sino ang maaaring dumulog sa Supreme Court of the Philippines sakaling magkaroon ng pagtatalo kaugnay ng paraan ng paghawak ng Senado sa impeachment proceedings, sinabi ni Chua na dapat munang hayaang maresolba ang mga isyu sa loob mismo ng kapulungan.

“Siguro kung nagkaroon na ng issue tungkol diyan. Baka mamaya pag-uusapan pa nila sa Senado kung paano ang magiging, huwag muna nating pangunahan ang mga senador, mamaya magkasundo naman sila,” sabi ni Chua.

Sinabi rin niya na hihintayin muna ng prosekusyon ang magiging proseso sa loob ng Senado at ang mga tuntuning ilalabas nito bago isipin na may umiiral nang legal na tunggalian na dapat resolbahin sa hukuman.

“So tingnan muna natin kasi may mga internal. So tingnan muna at kung ano rin ilalabas nilang rules nila,” ani Chua.

Naghahanda na ang House prosecution panel na iharap ang kanilang kaso sa Senate impeachment court sa oras na magsimula ang paglilitis. Inaasahan na sa pre-trial ay pag-uusapan at paglilinawan ang mahahalagang usapin hinggil sa mga ebidensiya, mga testigo, at mga pamamaraan ng paglilitis.