Salonga Si San Antonio Sangguniang Bayan presiding officer-Vice Mayor Arvin Salonga habang nagsesesyon sa Dr. Jose Lapuz Salonga gymnasium. Kuha ni Steve Gosuico

San Antonio prayoridad suporta sa mga batang may espesyal na pangangailangan

Steve A. Gosuico Aug 10, 2025
414 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Pinalakas ng bayang ito ang suporta sa mga batang may espesyal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagpasa ng resolusyon na nagtatatag ng mga mekanismo ng maagang interbensyon upang suportahan ang mga batang nasa ganitong sitwasyon.

Kumilos ang Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Arvin Salonga upang bigyan ng suporta ang mga “children with special needs” (CWSN), lalo na ang mga kabilang sa mahihirap na pamilya.

Isinulong ni Konsehal Arvin Carl C. Salonga, vice chairman ng Committee on Health, Sanitation, and Public Welfare at ng Committee on Women, Children, Family Relations, and Social Services, ang pagtatatag ng mga mekanismo at isulong ang karapatan ng mga batang nasa ganitong estado na mabuhay ng may dignidad.

Ayon sa datos mula sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO), may 228 children with disabilities sa bayang ito.

Ayon kay Konsehal Salonga, karamihan sana sa kanila ay nabenepisyuhan na nito kung naagapan at nabigyan agad ng maagang interbensyon at rehabilitasyon.

Layunin din ng resolusyon na makapagtalaga ng isang Children with Disability Officer sa ilalim ng superbisyon ng municipal social welfare and development office upang matugunan agad ang pangangailangan ng mga CWSNs.

Target din nito na pormal na hilingin sa Department of Health (DOH) na magbigay ng serbisyo ng isang Neurodevelopmental Pediatrician upang masuri ang mga batang may espesyal na pangangailangan at matukoy ang naaangkop na plano sa paggamot dito.

Kabilang din sa kahilingan sa DOH ay ang pagdedeploy ng mga kwalipikadong therapist—katulad ng mga physical, occupational, at speech therapist—na may espesyalisasyon sa child developmental disorder.