Edd Reyes

Sana tablan ng hiya mga natamaan sa SONA ni PBBM

Edd Reyes Jul 30, 2025
415 Views

PUMATOK sa madlang pipol ang binitiwang kataga ng Pangulong Bongbong Marcos na “Mahiya naman kayo” sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA). Kaya ang ilang mga pumupuna dati sa Pangulo ay tila nagbago ang pananaw sa kanya.

Sabi nga ng ilang political analyst, nakita raw nila kay PBBM ang tila minanang tapang mula sa kanyang namayapang ama, na akala ng marami ay hindi kayang bigkasin ng Pangulo, lalu’t lagi siyang pinupuna sa pagiging mabait kaya raw umaabuso ang ilang mga naapaligid sa kanya.

Binanggit kasi ng Pangulo ang naturang kataga na tila patama sa mga ahensiya at opisyal ng pamahalaan na naglaan ng bilyon-bilyong pisong pondo sa mga flood control projects na aniya ay hindi napapakinabangan at ang iba naman ay guni-guni lamang.

Napatayo at umani ng masigabong palakpakan ang naging pahayag ng Pangulo at siyempre, may mga pumuna naman doon sa mga hindi raw malaman kung tatayo o papalakpak na lamang na para raw sinisilihan ang pang-upo.

Lalu pang naging matunog ang palakpakan nang ipangako ng Pangulong BBM na hahabulin, kakasuhan, at papangalanan niya ang mga opisyal at kasabuwat na mapapatunayang sangkot sa mga ma-anomalyang flood control projects sa buong kapuluan matapos iutos sa kinauukulang ahensiya ang pag-iimbestiga sa kanila.

Marami tuloy na mga dating bumabatikos sa estilo ng pamamahala ng Pangulo ang nagbago ng pananaw at humanga sa kanyang ipinakitang paninindigang pulitikal sa paghabol sa mga tiwaling opisyal, pribadong contractors, at mga ahensiya na hinihinalang nagsabuwatan para maibulsa ang bilyong pondong inilaan sa proyekto.

Marahil, marami ng natutunan ang Pangulo sa loob ng tatlong taon kaya nabibisto na niya ang mga kapalpakan at ginagawang pangungurakot ng mga opisyal sa pondo ng taumbayan.

Sana, tablan ng hiya ang mga nasapol sa SONA ng Pangulo at sana nga, totohanin niya ang banta na papangalanan at isasapubliko ang kanilang mga pangalan bago pa man makasuhan.

Vice Mayor Chi Atienza, hinubog ng ama na maging mabuting public servant

Sa buong buhay pala ni Vice Mayor Chi Atienza, hindi pala siya nakaranas ng bonggang selebrasyon ng kanyang birthday dahil sa tuwing sasapit ang kanyang kaarawan, isinasama siya ng amang si Lito Atienza sa mga outreach program para ipadama sa kanya na mas marami ang nangangailangan ng tulong.

Kaya nang sumapit daw ang kanyang debut, doon na siya inalok ng ama ng bonggang selebrasyon kahit saang 5-star hotel na kanyang gugustuhin.pero dahil nasanay siyang magdiwang ng kaarawan sa piling ng mga nangangailangan, tinanggihan niya ito at hiniling sa ama na magsagawa na lamang sila ng mas bongga pang outreach program para sa mahihirap.

Kung tutuuisn, kayang gastusan ng malaki ng dating mayor Lito Atienza ang taon-taong selebrasyon ng birthday ng anak para naman madama nito ang kasiyahan pero hinubog lang pala talaga ng dating alkalde si VM Chi na maging isang mabuting public servant.

Sabi ni VM Chi, lahat ng mga desisyon niya sa buhay, mula pa noon ay lagi niyang hinihingi ang gabay ng Panginoon at ikinagagalak niya na lagi namang ipinagkakaloob ito sa kanya.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com