Pangilinan

Sapat na pagkain, pangako ni Kiko

287 Views

MULING itinalaga si Senador Francis “Kiko” Pangilinan bilang tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform. Sa kanyang pagbabalik, mariin niyang ipinahayag ang layuning itaguyod ang kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda at tiyakin ang matatag na suplay ng pagkain sa bansa.

“Ikinararangal kong muling maglingkod bilang Chairperson ng Senate Committee on Agriculture,” ani Pangilinan sa ginanap na Senate caucus nitong Martes. “Dasurb na mabigyan sila ng sapat at tamang suporta para mapabuti ang kanilang kabuhayan at para matiyak ang supply ng pagkain.”

Sa pinakahuling hakbang ng senador, agad siyang naghain ng mga panukala at resolusyon na nakatuon sa paglaban sa kagutuman at pagbawas sa presyo ng pagkain. Kabilang dito ang “Libreng Almusal” bill, na naglalayong magbigay ng libreng almusal sa mga estudyante ng pampublikong paaralan mula day care hanggang senior high school.

Bukod dito, iginiit din ni Pangilinan ang agarang pagsisiyasat sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at ang pagkaantala sa pagpapatupad ng Sagip Saka Act—isang batas na kanyang isinulong, na nagpapahintulot sa pamahalaan na direktang bumili ng ani at huli mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.

Kasabay nito, nanawagan siya ng pagsusuri sa epekto ng Rice Tariffication Law at ng komersyal na pangingisda sa loob ng 15-kilometrong municipal waters—mga lugar na pangunahing pinagkukunan ng ikinabubuhay ng maliliit na mangingisda.

Sa mas malawak na reporma, iminungkahi ng senador ang pagtatatag ng Department of Fisheries and Aquatic Resources, pagpigil sa pag-convert ng mga lupang pansakahan tungo sa iba pang gamit, at pagpapalawak ng pondo para sa mga post-harvest facilities upang mapababa ang food waste at madagdagan ang kita ng mga magsasaka.

Sa kasaysayan, ito na ang ikatlong pagkakataong pinamunuan ni Pangilinan ang komiteng ito—noong 2010–2013 at muli noong 2016–2017. Siya rin ang pangunahing may-akda ng Sagip Saka Act at may mahalagang papel sa pagpasa ng Organic Agriculture Act of 2010.

Noong 2014 hanggang 2015, nagsilbi rin siya bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization. Sa kanyang termino, bumaba ang rice inflation sa 0.8% habang umabot lamang sa 1.5% ang kabuuang inflation—ang pinakamababa sa loob ng dalawang dekada.

Sa kanyang pagbabalik sa Senado, iginiit ni Pangilinan na panahon na para itulak ang mga makabuluhan at agarang pagbabago sa sektor ng agrikultura, na matagal nang kinakaharap ang maraming suliranin.