Project

Sariling bahay nakuha ng 159 ISFs na apektado ng Mindanao Railway Project – Tagum Segment

Jun I Legaspi Jul 8, 2026
26 Views

AABOT sa 159 informal settlers Families (ISFs) na maaapektuhan ng itatayong Mindanao Railway Project-Tagum Segment ang nabiyayaan ng mga bagong bahay mula sa pamahalaan sa relocation site sa Brgy. Mankilam, Tagum City.

“Malinaw ang utos ng Pangulo na we go beyond just constructing railways. Dapat tiyakin din natin na ang mga pamilyang naapektuhan ay may maayos na relokasyon, sapat na suporta, at pagkakataong magkaroon ng maayos at ligtas na pamumuhay,” ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez.

Sinabi ni DOTr Assistant Secretary for Right-of-Way and Site Acquisition (ROWSA) Irish “IC” Calaguas na matutuloy ang naturang proyekto, ngunit uunahin lang muna matapos ang acquisition ng right-of-way kaugnay ng proyektong ito.

“Lahat ng right-of-way ngayon ay pinamamadali ni Sec. Lopez sa utos ng Pangulong Marcos, Jr. dahil ‘yun ang dapat,” sabi ni Calaguas.

Sa nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA ) sa pagitan ng DOTr at Tagum local government, aakuin ng gobyerno ang malaking bahagi ng bayad para sa mga pabahay. Ang bawat pamilyang gagawaran ng bagong bahay ay magbabayad lamang ng P1,500 kada buwan sa loob ng 25 na taon.

Sa ngayon, nakapag-tayo na ng 62 quadruplex buildings na may kabuuang 248 housing units sa 4.2-hectares na relocation site sa Barangay Mankilam, Tagum City.

Laking pasasalamat ni Tagum City Mayor Rey Uy sa DOTr dahil sa inilaang pabahay para sa mga apektadong pamilya ng naturang proyekto.

“Napakaswerte ninyo sa mga bahay na ito. Talagang mapalad kayo dahil nabigyan na kayo ng sarili ninyong tahanan. Marami pa sa ating mga kababayan dito sa Tagum ang hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng lote. Kayo, may lote na, may bahay pa kaya alagaan ninyo ito. Huwag ninyo itong ipaupa sa iba, at huwag din ipagbili ang inyong karapatan sa bahay na ito,” ayon kay Mayor Uy.

Ikinatuwa naman ni Nanay Lilia ang handog ng pamahalaan na bagong bahay para sa mga katulad niyang apektado ng naturang proyekto.Talagang maayos ang bahay,” ani Nanay Lilia.

Nagpasalamat din si Marian kay Pangulong Marcos Jr., sa DOTr at sa Tagum LGU dahil hindi sila pinabayaan at binigyan pa ng pag-asang magkaroon ng maayos na bahay kumpara sa dati nilang tinitirhan.

“Doon ako lumaki medyo sad sa akin kasi as 30 years doon ako nanirahan tapos malipat ako parang maninibago pero masaya din kasi hindi kami pinabayaan ng DOTr. Ginabayan nila kami at binigyan nila kami ng pag-asa na magkaroon ng matatawag naming sariling bahay,” ani Marian.

Ang Mindanao Railway Project Phase 1 (Tagum-Davao-Digos) ay may habang 100-kilometro at may walong istasyon na dadaan sa mga probinsya ng Davao del Norte at Davao del Sur.