Calendar
Sen. Kiko tumangging pamunuan Blue Ribbon Committee
TINANGGIHAN ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang alok na pamunuan ang Senate Blue Ribbon Committee upang ipagpatuloy ang kanyang adbokasiya para sa reporma sa agrikultura, seguridad sa pagkain, at pag-unlad sa kanayunan.
Sa panayam sa DZRH nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025, ipinaliwanag ni Pangilinan na pinili niyang manatili bilang chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform upang mas matutukan ang mga suliraning kinakaharap ng mga magsasaka at mangingisda.
“Malubha ang kalagayan ng agrikultura ngayon—hirap ang ating mga magsasaka at mangingisda. Kulang ang produksyon at kulang din ang suporta ng gobyerno,” ani Pangilinan.
Ibinunyag niya na sa isang pagdinig kamakailan, kinuwestiyon niya kung bakit higit kalahati ng mga kasong may kinalaman sa agricultural smuggling mula 2021 hanggang 2025 ay ibinasura umano dahil sa kulang na dokumentasyon mula sa Bureau of Customs (BOC). Aniya, kahit bilyon-bilyong pisong halaga ng mga produkto ang nakukumpiska taon-taon, wala pa ring “big-time” smuggler na nakukulong sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Law.
“Sampung taon nang umiiral ang batas na ito, non-bailable pa nga, pero hanggang ngayon, wala pa ring smuggler na nakakulong,” giit ng senador.
Tiniyak ni Pangilinan na ipagpapatuloy niya ang laban para sa pananagutan ng mga sangkot sa smuggling. “Lalabanan natin ito dahil pinapatay ng smuggling ang ating lokal na produksyon at nagtutulak ng mataas na presyo ng pagkain,” dagdag pa niya.
Binanggit din ng senador ang ilang umano’y pribadong importer at indibidwal na sangkot sa smuggling. “Sino ang mga importer ng private sector na involved? Sino si Usec. Bernardo sa smuggling? Sino sina Brice Hernandez at Engineer Alcantara? Sino ang mga Discaya?” aniya, sabay bigyang-diin na dapat matukoy at mapanagot ang mga “big fish” sa likod ng ilegal na kalakalan.
Ayon sa ulat, kabilang si Pangilinan sa mga pinag-iisipang pamalit matapos magbitiw si Senator Panfilo Lacson bilang Blue Ribbon chair. Sa opisyal na tala noong kalagitnaan ng Setyembre 2025, si Lacson ang nakatalang chair habang si Senator Erwin Tulfo ang kasalukuyang acting chair. Si Tulfo ay kasapi ng 20th Congress.
Samantala, handang manatili si Senator Erwin Tulfo bilang acting chairman ng Senate Blue Ribbon Committee habang hindi pa nagtatalaga ng permanenteng pinuno ang liderato ng Senado.
Sa panayam sa DZMM Isyu Spotted, sinabi ni Tulfo na nakausap na niya ang mga lider ng Senado na nagsabing wala pang napipiling bagong chairman. “Opo, opo. Actually nag-usap po kami sa kanina at sabi niya na wala raw napili… for now… okay lang maging acting chairman tayo habang wala pa kayong napipili,” aniya.
Ayon kay Tulfo, handa siyang bumitaw sakaling may italagang ibang senador sa puwesto, ngunit bukas siyang ipagpatuloy ang tungkulin pansamantala.
“Alam ko pong [may] mas magagaling syempre… I’ll leave it to the Senate leadership… kung talagang push comes to shove… siguro I’ll take po the job… Kasi hindi po pwedeng walang kukuha ng trabaho,” pahayag niya.

